Sa pagpasok ng 'Ber Month,' inaabangan ng mga netizens na marinig sa mga radyo ang kantang 'Christmas in Our Hearts' na inawit ni Jose Mari Chan. Kapag narinig na ito, hudyat na ito na September na at magsisimula na ang mahabang selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas.
Sa panayam ng isang TV Patrol kay Jose Mari Chan, ipinarating niya sa publiko na natutuwa siya kapag Agosto dahil lumalabas na ang iba't ibang memes patungkol sa kaniya. Kumbaga, siya raw kasi ang ginagawang palatandaan na malapit na ang ber months. Kaya naman, hangad umano ni Jose Mari Chan na maging ligtas sa COVID-19 ang lahat habang ipinagdiriwang ang Kapaskuhan.
Ang 'Christmas in Our Hearts' na madalas na pambuwena manong awitin sa pagsapit ng ber month ay 31 taong gulang na ngayong 2021. Ito ay seventh studio album at unang Christmas album ni Chan. Una itong napakinggan ng publiko noong Nobyembre 17, 1990 na isinulat at kinanta mismo ni Jose Mari Chan, at ni-release naman ng Universal Records.
Dahil sa kasikatan ng kanta tuwing sasapit ang holiday season, tinagurian si Chan bilang "The Father of Philippine Christmas Music."
Ayon sa pagtatampok ng ABS-CBN News, una niyang ginawa ang naturang kanta para sa isang high school reunion. Iba pa raw ang lyrics noon.
"Natatandaan ko, meron akong melody na ginawa, mga two years before, it was a song called 'Ang Tubig ay Buhay,'" salaysay ni Jose Mari Chan, at ibinahagi pa niya ang melody nito, na maririnig naman sa chorus ng 'Christmas in Our Hearts.'
"There was a young lady, pangalan niya Rina Cañiza, both of us co-wrote the lyrics to 'Christmas in Our Hearts,' paliwanag ni Chan.
At sabi nga, "the rest is history." Taon-taong naririnig ang naturang awitin, na nagdudulot ng Christmas vibes sa lahat.