Totoo pa nga ba ang mga multo sa panahon ngayon ng 2021?

Para kay Sherilyn Reyes at sa kaniyang pamilya, totoo ito, kaya naman napilitan silang mag-alsa balutan at lumipat nang tirahan. Nakararamdam umano sila ng mga kababalaghan sa bahay na 10 taon na nilang tinitirhan.

Naisalaysay ni Sherilyn ang kuwentong ito sa morning talk show na "Mars Pa More' sa GMA Network. Kahit ang mga hosts nito na sina Camille Prats at Iya Villania ay 'shookt na shookt' sa kaniyang mga ibinahaging makapanindig-balahibong mga karanasan habang nasa loob sila ng naturang bahay.

Matagal na nila umanong nararamdaman na may kakaiba sa nasabing bahay, na hindi lamang sila ang nakatira doon, subalit tila nakasanayan na rin nila.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Larawan mula sa IG/Sherilyn Reyes

Minsan daw ay may nagpunta raw sa kanilang isang tao na may 'third eye' at nakita nito umano na ang kaniyang 10 taong gulang na babae ay may kasa-kasamang dalawang bata. May marka rin umano ang likod nito na numerong '14.'

“Sabi sa amin, yung 14 daw ay marka, meaning baka raw pag 14 years old na siya, pagtulog niya biglang hindi na siya gigising. So alam mo ‘yon, whether or not na totoo parang sabi ko, alis na tayo rito, lumipat na lang tayo ng bahay kahit ang tagal-tagal na namin doon,” pahayag ni Sherilyn.

Saad pa ng kaniyang anak na ito ay bumabalik-balik daw ang kaniyang 'imaginary friends' at hindi umaalis sa kaniyang tabi.

Nagkasakit at na-confine naman sa ospital ang mister ni Sherilyn na si Chris nang makahanap na sila ng lilipatang bagong bahay. Walong araw umano silang nanatili sa ospital. Napag-alaman nila na may laceration of the kidney ito.

Ayon sa kaibigan nilang may third eye, baka ito raw ay 'paraan' ng mga kasamang elemento sa bahay na mapigilan ang kanilang pag-alis.

Bago umano ang kanilang paglipat ay nagsagawa muna sila ng isang ritwal upang hindi na sila sundan pa ng mga kakaibang 'kasama' sa bahay. Habang ginagawa umano ang ritwal at pagdarasal ay nabasag ang bowl na kinalalagyan ng asin, at hawak umano ito ng isa nilang kapamilya. Wala naman umanong nangyaring masama sa kanila at hindi sila nagpakita ng anumang senyales ng pagkatakot; kalmado silang lumisan sa kanilang lumang bahay.

Sa ngayon daw ay matiwasay na ang pamumuhay ng kanilang pamilya sa bagong bahay.