Inaanyayahan ni Mayor Isko Moreno ang mga mamamayan na magpaturok na ng COVID-19 vaccine sa lungsod ng Maynila kahit hindi sila residente dito.
Ayon kay Moreno, mahalaga na makapagpabakuna ang mga mamamayan laban sa COVID-19 lalo na ngayong kumakalat na rin ang Delta variant sa bansa.
Ibinahagi pa ng alkalde na sa kanyang palagay, ang tumamang COVID-19 infection kay Vice Mayor Honey Lacuna ay Delta variant.
Aniya pa, hanggang ngayon ay ramdam pa rin nila ng bise alkalde ang epekto ng sakit sa kanilang katawan, gaya nang pagiging mabilis mapagod.
Matatandaang sina Moreno at Lacuna ay kapwa dinapuan ng COVID-19 kamakailan kahit pa sila ay fully-vaccinated na laban sa COVID-19.
“Sobra po akong itinumba nito (COVID) literal ininda ko po.Akala ko bata ako okay eh,” kwento pa ni Moreno, at inihayag na hanggang sa ngayon ay hindi pa gaanong bumabalik ang kanyang panlasa.
Naniniwala rin si Moreno na maaaring mas malala pa ang impeksiyon na dumapo sa kanila kung hindi sila fully-vaccinated ng Sinovac.
Samantala, iniulat rin naman ng alkalde na natamo na ng pamahalaang lungsod ang tinatawag na “population protection” laban sa COVID-19, may ilang linggo na ang nakakalipas.
Ito ay base aniya sa bilang ng mga residente na qualified o eligible na mabakunahan na 18-anyos pataas ang edad.
Hanggang 3:00PM aniya ng Agosto 30, ang kabuuang bilang ng vaccine na na-administer sa Maynila ay umabot na sa 1,981,864 kabilang ang 767,492 na fully vaccinated na o yaong nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna.
Samantala, mayroon na rin namang 100,000 non-resident ang nabakunahan na laban sa COVID-19 sa lungsod.
Mary Ann Santiago