Target ni Pangulong Duterte para sa huling 10 buwan ng kanyang termino ay ihanda ang bansa para sa 100 na porsyentong muling pagbubukas kasunod ng masamang epekto sa ekonomiya ng coronavirus disease (COVID-19).
Inihayag ito ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa isang panayam sa radyo nitong Martes ng umaga, Agosto 31.
“Lahat ng gagawin ni Presidente in the next 10 months is to prepare the country, to prepare the population, to prepare the citizenry for the eventual reopening of the economy, reopening 100 percent of the government, at lahat po ng aspeto ng ating bansa ay mabuksan na para makabalik po tayo doon sa normal na alam natin,” ani Andanar.
Kapag nagawa ito, mapapadali raw umano ang trabaho para sa susunod na administrasyon kapag may pumalit ng bagong pinuno ang Pilipinas.
“‘Pag nagkaroon po tayo ng maayos na preparasyon, at kapag nalabanan po natin ang COVID-19 ng husto, eh ‘pag nag-transition na po tayo sa 2022 at bagong pangulo, mas madali na po para sa bagong administrasyon na makabangon at maka-bounce back sa problema natin na naging…resulta ng lockdowns,” aniya pa.
Sinabi ni Andanar, nagsisikap umano ang administrasyong Duterte na i-upgrade ang ekonomiya sa mga huling buwan ng pangulo.
“Napakalalim po ng epekto ng COVID-19 sa ating bansa,” paglalahad ni Andanar.
“Isa po sa nadisgrasya dito ay ang ating ekonomiya. Napakarami pong nawalan ng trabaho, napakaraming negosyo ang nagsara, pero kailangan pong magtrabaho ang gobyerno,” aniya.
“Matulungan po tayo mga kababayan, mag-bayanihan po tayo for the remaining 10 months,” dagdag pa niya.
Elison Quismorio