Handa pa rin umanong magbigay ng immediate care sa mga COVID-19 patients ang Ospital ng Sampaloc sa Maynila kahit pa nasa full capacity na sila ngayon at hindi na kayang mag-admit pa ng mga bagong pasyente.

Ayon kay Dr. Aileen Lacsamana, direktor ng naturang pagamutan, hanggang nitong Lunes, Agosto 30, ay mayroong 41 kaso ng COVID-19 na naka-admit sa kanilang pagamutan o 102.5% ng kanilang capacity, kaya’t hindi na nila kayang tumanggap pa ng ibang pasyente.

Sa kabila nito, bukas pa rin naman aniya ang kanilang emergency room at mayroon din silang mga ambulansya na maaaring maghatid ng mga pasyente sa kanilang mga sister hospitals kung kakailanganin.

“Kahit nagsabi kami na hindi na namin kayang ma-admit muna sila, our emergency room is still open. Ganun pa rin naman kami, maraming mga ambulansya at ready kaming mag-transport sa iba't ibang sister hospitals naming,” ani Lacsamana, sa panayam sa teleradyo.

National

‘Nika’ lumakas pa, itinaas na sa ‘severe tropical storm’

Sinabi ni Lacsamana na ang mga pasyente na nakakaranas ng sintomas ng sakit o yaong nagpositibo na sa sakit ay maaaring tumawag muna sa kanilang tanggapan upang malaman kung mild lamang o malala na ang sintomas nito.

“Maganda kasing tumawag at malaman kung mild symptoms. Kung mild symptoms, we can advise them to go directly to a quarantine facility or coordinate with the Manila Health Department and then MHD susunduin sila and dadalhin sila to a quarantine facility,” paliwanag pa ng hospital director.

Ani Lacsamana, pinaghandaan naman nila ang inaasahang pagdami ng COVID-19 patients gaya nang pagdaragdag ng mga gamot, oxygen tanks at iba pang pangangailangan ng mga ito.

Mula aniya sa 10 COVID-19 bed capacity ay ginawa na nila itong 40 beds sa ngayon, ngunit kulang pa rin ito dahil sa dami ng mga pasyenteng dinadapuan ng sakit.

Aminado rin naman si Lacsamana na napapagod na ang kanilang mga doktor at mga nurse at nangangamba silang hindi nila kakayanin kung tuluy-tuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sa ngayon aniya ang bawat nurse nila ay nag-aalaga ng hanggang 10 pasyente kaya't kung magtutuloy-tuloy ito at mas dumami pa ang kanilang mga pasyente ay hindi na nila ito kakayanin pa.

Ito aniya ang dahilan kung bakit noong Sabado ay nagdeklara na sila na hindi na muna tatanggap pa ng mga bagong COVID-19 patients, na kailangan ng hospitalization dahil wala na silang paglalagyan ng mga ito.

Gayunman, tiniyak niya na tuluy-tuloy ang kanilang pagtatrabaho at pag-aalaga sa mga pasyente.

“We do appropriate care. Kung kailangan ng oxygen muna until a patient is stabilized, we will do that. And we will find from our sister hospitals kung saan sila pwede mai-itransfer,” dagdag pa niya.

Mary Ann Santiago