Kasabay nang paggunita sa Pambansang Araw ng mga Bayani nitong Lunes, kinilala ng Archdiocese of Manila ang malaking ambag ng mga bayani sa pagtatanggol sa bayan at maging ang itinuturing na bagong bayani sa kasalukuyang panahon.
Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, sa panahong ito ng pandemya, hindi lamang ang mga bayaning nagtanggol sa bayan noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan, ang dapat na bigyang-pugay ngayong National Heroes Day kundi maging ang mga indibidwal na patuloy sa paglilingkod sa bayan sa gitna ng matinding panganib dala ng coronavirus pandemic.“Sa panahong ito ng pandemya, itinuturing din nating bayani ang mga frontliners, lalo na ang mga medical workers.Sa ating paglaban sa Covid-19 virus, sila ay tunay na mga bayani.Ang buong bayan ay nagpapasalamat sa inyo,” ani Advincula sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Sinabi ni Advincula na batid niya ang sakripisyo ng mga ito, lalo na ng mga healthcare workers, na pangunahing tumutugon sa lumalalang pandemya kung saan patuloy ang pagtaas ng kaso ng mga nahawaan ng virus.
Bukod dito, kinilala rin ni Advincula ang mga uring manggagawa sa iba't ibang sektor na nagsusumikap itaguyod ang kanilang pamilya at nakatutulong sa patuloy na paggalaw ng ekonomiya ng bansa na labis naapektuhan ng pandemya.
“Kinikilala din natin ang kabayanihan ng mga ‘bagong bayani,’ ang mga tahimik na naglilingkod para sa ikabubuti ng iba, katulad ng ating mga OFWs at mga laborers sa iba’t ibang industriya,” ani ng cardinal.
Kasabay nito, hinimok din ng Cardinal ang mga mamamayan na alalahanin rin ang mga pumanaw na bayani na nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaang tinatamasa ng bansa at pinakikinabangan ng bawat mamamayan ng kasalukyang henerasyon.
“Sa ating pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, kinikilala natin ang mga dakilang ginawa ng ating mga bayani.Tumatanaw tayo ng utang na loob sa kanila na inuna ang bayan bago ang sarili,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Mary Ann Santiago