Pormal nang sinimulan ng Manila City government ang konstruksiyon ng 20-storey na Pedro Gil Residences sa San Andres Bukid, Manila nitong Lunes.

Screenshot mula sa live video (Mayor Isko Moreno/FB)

Mismong si Manila Mayor Isko Moreno ang nanguna sa groundbreaking ceremony sa naturang proyekto, ito ang ikalimang housing project ng lokal na pamahalaan para sa mga informal settlers at renters, kasama sina Manila City Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, City Engr. Armand Andres, City Arch. Ely Balmoris, at City Health Officer Arnold Pangan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Moreno, layunin ng naturang housing project na mapataas ang estado ng pamumuhay ng mga informal settlers sa lungsod.

“Habang busy tayong tumatakas sa pandemya, kailangan tuloy ang ating mga pangarap. Nakakapagod. Pero hindi baleng pagod basta makita kong nakangiti kayo masaya na ako,” anang alkalde.

“We will not stop. We will put roof over people's heads. Bibigyan natin ng kapanatagan sa pamumuhay ang mga taong habangbuhay na lang nangungupahan. We will give them homes,” aniya pa.

Nabatid na ang Pedro Gil Residences ay mayroong 309 residential units, 125 parking slots, health center, limang elevator para sa residential units, swimming pool, activity lawn, function room, fitness center, roof garden sa 6th floor roof deck, limang units ng rentable space, outdoor activity area sa 7th, 13th, at 18th floors, at basketball court sa roof deck.

Matatandaang una nang sinimulan ng city government ang konstruksiyon ng San Lazaro Residences bilang bahagi ng housing program nito noong nakaraang buwan.

Target naman ng Manila City government na makumpleto ang konstruksiyon ng Tondominium 1 at 2, gayundin ng Binondominium, sa taong ito.

Mary Ann Santiago