Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 22,366 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Lunes, Agosto 30, 2021.

Batay sa case bulletin no. 534 na inisyu ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 1,976,202 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang nitong Agosto 30, 2021.

Sa naturang total cases, 7.5% pa o 148,594 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa.

Sa aktibong kaso naman, 95.7% ang mild cases, 1.7% ang asymptomatic, 1.1% ang severe, 0.97% ang moderate, at 0.6% ang kritikal.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Mayroon rin namang 16,864 ang bagong gumaling mula sa karamdaman kaya’t umaabot na sa ngayon ang total COVID-19 recoveries sa bansa sa 1,794,278 o 90.8% ng total cases.

Samantala, mayroon pang 222 mga pasyenteng binawian ng buhay dahil sa karamdaman. 

Sa kabuuan, umaabot na ngayon sa 33,330 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.69% ng total cases.

Samantala, mayroon pa rin umanong 187 duplicates ang inalis ng DOH mula sa total case count, kabilang dito ang 174 recoveries at isang death.

Mayroon ring 105 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ang kalaunan ay natuklasang pumanaw na pala matapos ang pinal na balidasyon. 

Mary Ann Santiago