Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila nitong Sabado ng record high na 19,441 bagong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw.
Sa case bulletin No. 532 ng DOH, umaabot na ngayon sa 1,935,700 ang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Agosto 28, 2021 lamang
Sa naturang bilang, 7.4% pa o 142,679 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa sakit at maaaari pang makahawa.
Sa naturang aktibong kaso, 95.5% ang mild cases, 1.8% ang asymptomatic, 1.1% ang severe, 0.99% ang moderate at 0.6% ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 19,191 na gumaling sa sakit.
Sa ngayon, 1,760,013 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 90.9% ng total cases.
Kabuuang 167 na pasyente ang binawian ng buhay sanhi ng sakit.
Sa kabuuan, umakyat na sa 33,008 total COVID-19 deaths sa bansa o 1.71% ng total cases.
"Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 26, 2021 habang mayroong 3 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 3 labs na ito ay humigit kumulang 1.3% sa lahat ng samples na naitest at 0.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal," anang DOH.
"Sa mga susunod na araw ay maari pang tumaas ang ating mga kaso ng COVID-19. Ang pagsunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies, at pagbabakuna ay nanatiling pinakapabisang depensa sa COVID-19. Mahalaga rin na tayo ay mag-isolate at makipagugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19.
Makatutulong pa rin aniya ang maagang konsultasyon at pagpapa-test upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan," dagdag pa nito.
Mary Ann Santiago