Tinawanan lamang ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang mag-audit sa mga government offices gaya ng Commission on Audit (COA) sa sandaling mahalal siya bilang bise presidente sa susunod na taon.

Sinabi ni Robredo, ang anti-corruption drive ng gobyerno ay dapat magsimula sa pinakamataas na tanggapan ng bansa -- ang Office of the President (OP).

“Ang pinakaimportanteng office para at least mabawasan iyong corruption, iyong Office of the President,” ani Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo.

Tinawanan ni Robredo ang pahayag ng Pangulo na siya ang mag-audit sa COA kung sakaling manalo siya sa pagkabise presidente sa susunod na taon upang maipagpatuoy aniya nito ang kanyang kampanya laban sa korapsyon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Iyong mandato ng VP succession lang," ayon kay Robredo.

Ipinaliwanag ni Robredo na "creative" lamang siya sa paghahanap ng paraan upang tulungan ang bansa sa kabila ng walang malinaw na utos ang Konstitusyon maliban sa "succession" at kaunting magpagkukunan ng pangangailangan mula sa kasalukuyang administrasyon.

Matatandaang nakakuha ng ₱900 milyong budget para sa 2021 ang Office of the Vice President (OVP).

Ginawa niyang advocacy-driven office ang OVP sa pamamagitan ng kanyang anti-poverty program, Angat buhay. Siya rin umano ang nasa frontline ng kanyang opisina sa COVID-19 response programs na Bayanihan E-Konsulta, Swab Cab, Vaccine Express, at Community Mart, at iba pa.

Ani Robredo ang papel na ginagampanan ng COA, na kamakailang ikinagalit ng Pangulo ang pagsita sa maraming ahensya ng gobyerno dahil sa bilyun-bilyong halaga ng "deficiencies" sa pamamahala ng pondo, ay protektado umano ng Saligang Batas.

“Bakit nakalagay siya sa isang Constitutional body? Para may independence. Hindi na pakikialamanan ng ibang branches of government. Iyong mandato nasa COA," pagbibigay-diin ng bise presidente.

Dapat nakatuon aniya ang kasalukuyang administrasyon sa anti-corruption drive nito at sa halip ay silipin ang mga state auditors.

Binigyang-diin din niya na kailangan maging "transparent" sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), isang dokumento na tinanggihan ni Duterte na isapubliko. Nakatanggap ang media ng SALN ni Robredo taun-taon kapag nire-request.

“Iyong SALN, isa iyon sa napakalaking dahilan para ipakita mo na bukas iyong lahat ng information tungkol sa akin na pagpapakita na walang korapsyon," aniya.

“Iyong COA audit report ng mga opisina, ano iyon pagpapakita iyon na sumusunod tayo sa lahat ng patakaran. Assessment iyon ng COA na walang corruption na nangyayari,” dagdag pa niya.

Ipinahiwatig din ni Robredo na kung may mga tao sa paligid mo na masama, mahirap umano paniwalaan na hindi mo alam ang tungkol sa naturang aktibidad.

“Ang dami mong puwedeng gawin eh [para ipakita ang anti-corruption drive]," dagdag pa ni Robredo.

Raymund Antonio