Hindi pa rin maka-get over ang mga supporters at maging bashers ni Jinkee Pacquiao sa mga mamahaling designer bags at OOTD nito na umaabot ng milyones na ibinabahagi nito sa kaniyang social media accounts.
Matatandaang isa sa mga nagpatutsada sa kaniya ay ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin.
“Wala lang sa timing si Jinkee Pacquiao. Wala po siyang pakialam sa pandemya at sa nagaganap sa buong mundo dahil kung mayroon siyang pakialam ay dapat hindi niya inilalantad ang kaniyang kayamanan sa kaniyang kagamitan," banat ni Cristy sa kaniyang programang "Cristy Fer Minute" sa TV5.
“Walang kahihiyan si Jinkee Pacquiao. Ang dami-daming nagugutom na pamilya, ang dami-daming walang pambara sa lalamunan patungo sa bituka, ipagpaparadahan mo ‘yung lahat lahat ng mga pinagbibili mo, may presyo pa at nasa bahay ka lang. Hindi ka naman lumabas kaya wala kang kahihiyan,” dagdag pa nito.
Sa panibagong Instagram post ni Jinkee, tila hindi nagpakita ng pagkapikon o pagkaasar ang misis ni Manny Pacquiao hinggil sa isyung ipinupukol sa kaniya, na "wrong timing" daw ang pagpo-post niya ng mga mamahaling kagamitan sa social media, lalo na at nahaharap ang bansa sa pandemya. Sa katunayan, makikita ang kaniyang inaapakang mamahaling Fendi Casa carpet sa kanilang bahay sa Los Angeles, USA.
Biro niya sa caption na nasa wikang Bisaya, baka raw isama sa computation ng mga tao ang mamahaling carpet.
Dagdag na biro pa niya, hindi talaga sa kanila ang Fendi Casa carpet kundi sa kanilang kapitbahay doon.
Ang naturang Fendi Casa carpet collection ay nagkakahalaga mula ₱50,000 hanggang ₱500,000.
Umani naman ito ng iba't ibang komento mula sa mga netizens.
"Enjoy God's gift. A person can do nothing better than to eat and drink and find satisfaction in their own toil. This too, I see, is from the hand of God Ecclesiastes 2:24," wika ng isa na nagbanggit pa ng bible verse.
"Naku, hayan na naman si Madam. Pati ba naman carpet, ipapakita pa?" banat naman ng isa.
"Yes, Mrs. Pacquiao! Don't mind the bashers. Pinaghirapan mo naman 'yan at ng asawa mo. Kapag inggit, pikit!" wika naman ng isa.
Si Jinkee Pacquiao ay nagtrabaho bilang isang sales attendant ng isang cosmetics brand bago sila nagkakilala ni Manny Pacquiao, noong hindi pa ito sikat. Naging daan ang tiyuhin ni Jinkee, na dating trainer ni Manny, upang magkakilala sila.
Ikinasal sila noong taong 2000 at nagkaroon sila ng 5 anak na sina Emmanuel Jr., Michael Stephen, Mary Divine Grace, Queen Elizabeth at Israel.
Bukod sa pagiging boksingero ay marami pang negosyo sina Manny at Jinkee. Tinatayang aabot sa 15 ang business venture ng mga Pacquiao, kaya naman afford na afford ni Jinkee ang pagbili ng mga mamahaling gamit, lalo't galing naman ito sa kanilang pinaghirapan.
Ang mga negosyo nila ay Waterotor Energy Technologies, ONE Championship, GTOKEN, JMP Mass Media Production Inc., Roadhaus Economy Hotel, Pacman Wildcard Gym, JMP Shalom Travel and Tours, Pacman H20, Team Pacquiao Store, MP Princess Digital Printing Solutions, Pacman Beach Resort, Jinkee’s Fashion World, Pacman Sports Bar, Pacman Beach House, at Revolution Precrafted.