Mahigit isang daang porsyento na ang operasyon ng mga emergency room sa mga ospital dahil sa patuloy ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, ayon sa Philippine College of Physicians (PCP) nitong Linggo, Agosto 29.
“Hindi na kami masyadong nagulat. Ang ospital ngayon talagang punong puno po lalo na ‘yung emergency room. Hindi lang 100 percent. Mahigit sa 100 percent," ayon sa panayam ni PCP president Dr. Maricar Limpin sa DZBB.
Dagdag pa niya, nasa 130 porsyento o 150 porsyento na ang operasyon ng ilan sa mga ospital.
Nitong Agosto 28, nakapagtala ng 19,441 na bagong COVID-19 cases sa bansa, ito na ang pinakamataas sa isang araw mula nang magsimula ang pandemya noong Marso 2020.
Binigyang-diin din ni Limpin na ilan sa mga ospital ay nagkaroon ng shortage ng medical supplies at ventilators lalo na ang mga maliit na ospital.
“Sa Cebu parang kailangan mag-decide po sila kung sino nangangailangan sa ventilators. Minsan kailangan po nila mamili kung sino most likely mataas ang chance mag-survive versus doon sa isang hindi masyadong mataas ang chance mag-survive," aniya.
"Nagkaroon po talaga ng problema pagdating po sa stock dahil na rin po sa dami ng mga taong nangangailangan ng gamot," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, inabisuhan ni Limpin ang publiko na kung sino man ang nakararanas ng sintomas ng COVID-19 ay pumunta muna sa health centers sa komunidad bago pumunta sa ospital.
“May mga hindi nagpupunta maski sa primary care center sa community natin. Lumalala ang sakit nila bago pumunta sa ospital. Karamihan natatakot sila pero ang nangyayari mas napapasama ho sila dahil hindi sila agad nagkokonsulta," ani Limpin.
Ayon sa Department of Health nitong Sabado, asahan umano ng publiko ang mataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 dahil sa banta ng mas nakahahawang Delta variant.
Jaleen Ramos