Simula nang maipatupad ang lockdown dahil sa pandemya, mas lalong lumakas ang iba't ibang gamit at transaksyon sa online world. Ito ang naging mabilis at ligtas na paraan upang mag-aral, mag-aliw, at magtrabaho. Kasabay nito, tumaas ang bilang ng mga nakatambay o nakababad sa social media. At dahil maraming nawalan ng trabaho o nawalan ng pagkakakitaan, naging daan ito upang mas lalong lumobo ang mga taong tumatangkilik o nagsasagawa ng "cyber prostitution" at "cyber pornography."
Ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, tumutukoy ang online o cyber prostitution sa "obscene and indecent acts evolving around virtual sexual stimulation and/or intercourse in exchange of money and/or profit." Ang cyber pornography naman ay "prohibited or unlawful representation of the human body or human sexual behavior with the goal of sexual arousal, which constitutes obscenity and indecency over a new medium called the internet." Ito rin ay live actions o interactive methods sa pamamagitan ng internet, computer/laptop, o iba pang mga electronic devices o gadgets gaya ng smartphones o tablets.
Kung tutuusin, hindi na bago ang prostitution sa Pilipinas (o kahit saan mang panig ng mundo). Ang prostitusyon ay isang "business or practice of engaging in sexual activity in exchange for payment," mapa-aktwal man o recorded video. Sa online world, tila talamak na talamak ang cyber prostitution at cyber pornography lalung-lalo na sa Twitter.
Ngunit paano nga ba nangyayari ang transaksyon sa online prostitution?
Maraming paraan upang maganap ito. Una na rito ang posting ng mapamukaw na larawan o maiksing video clip. Pagkatapos, kinakailangang padalhan ng direct message ang taong ito para sa mas mahabang video ng pagpapakita niya ng sexual activity, o kaya naman ay aktuwal na pagpapakita nito sa pamamagitan ng video conferencing, depende sa mapag-uusapan.
Para naman sa bayad, madali na lamang din, dahil karamihan sa mga tao ngayon ay nagsasagawa na ng bank transfer o kaya naman ay GCash o Paymaya. Nakadepende ang bayad sa mapag-uusapan: ang isang sexual activity video ay maaaring nagkakahalaga mula ₱300 hanggang ₱500. Kapag aktuwal naman o live, ito ay maaaring ₱500 pataas.
Sa hirap ng buhay ngayon, kailangan nilang gawin iyan para may pantawid-gutom. Kapit sa patalim, 'ika nga. Hindi na alintana baka dumating ang araw na makita ito ng mga kaanak, magiging asawa, o magiging mga anak nila. Wala silang magagawa, kailangan lang talaga at ito na lamang ang kanilang mapamimilian.
Ayon kay John mula sa Makati City, aminadong ginagawa niya ang pagbebenta ng kanyang sexual activity at erotic videos sa social media dahil kinakailangan niya ng pera para sa kanyang online class. Ang anumang matitira ay para sa kanyang mga pansariling gastos, dahil hindi rin naman siya nabibigyan ng allowance ng kanyang mga magulang. Sa isang buwan daw ay kumikita siya ng ₱10,000 hanggang ₱15,000 depende sa sipag niyang gumawa ng recorded erotic video, o live.
"Okay lang naman po sa akin, enjoy din naman ako sa ginagawa ko, at the same time po, kumikita pa ako. Wala kasi kaming pera kaya ganito ang ginagawa ko. Hindi naman ako makakapagtrabaho pa dahil menor de edad pa lang ako," paglalahad niya nang kapanayamin ng Balita Online.
Para naman sa 22-anyos na si Beth, ang nagtulak sa kanya upang gawin ang online prostitution ay para sa kanyang inang may karamdaman. Nakatutulong umano ang kinikita niya sa pagbili ng gamot para sa kanyang ina. Ang alam umano ng kanyang pamilya ay nag-oonline selling lamang siya ng mga damit, subalit ang totoo niyan, 'live show' ang ginagawa niya.
"Sanayan lang naman po. Hindi naman nila makukuha o mahahawakan," pagbibigay-diin ni Beth. Sa isang buwan daw ay kumikita siya ng kulang-kulang ₱16,000 hanggang ₱18,000 depende sa mga parukyano niya.
Iba naman ang pananaw ni Arthur, 37 taong gulang, ginagawa niya ang cyber prostitution dahil ito ang nakapagpapa-satisfy sa kanya. Wala umano siyang pakialam sa pera. Aminado kasi siyang aktibo ang kanyang sex life, at dahil nga sa takot na magkaroon ng COVID-19 o iba pang karamdaman, mas pinipili na lamang niya ang cyber prostitution o cyber pornography.
"Hindi ka pa mahahawa, masasatisfy ka pa. Ganoon din naman eh," paliwnag nito.
Hindi rin mga karaniwang tao ang nagsasagawa ng live show. Walang kiyemeng inamin ng indie actor na si Charles Delgado na dumating sa puntong nagbenta siya ng mga erotic videos niya online upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya, lalo na sa misis niyang may cancer.
Inamin ni Delgado sa isang entertainment news website na PEP, ito na lamang ang tanging naisip niyang paraan upang maipagpatuloy ng kanyang misis ang chemotherapy para sa lung at ovarian cancer, sumabay pa ang paglamlam ng paggawa ng pelikula dahil sa pandemya.
Naibenta na umano ni Charles ang lahat ng mga gamit niya, pati sasakyan, na naipundar niya mula sa kinita niya noon sa indie films kung saan wala rin siyang kiyemeng ipasilip ang kanyang katawan sa harap ng camera.
Halos nasa ₱1M na umano ang nagagastos nila sa chemo simula pa noong 2019. Hindi umano siya humingi ng tulong sa kahit na kaninong mga taga-showbiz: Salamat na lamang daw sa mga ahensya ng pamahalaan, katulad ng PCSO, Office of the VP, at marami pang iba.
At dahil sanay nga siya sa pagiging hubadero, naisip na niyang ibenta ang mga erotic videos niya sa mga followers niya sa Facebook, Instagram, at Twitter. Alam na rin umano ng kanyang misis ang kanyang ginagawa.
Kahit sanay na siya sa paghuhubad, nakararamdam pa rin umano siya ng hiya, lalo pa’t sariling sikap ang ginagawa niya upang mapaligaya ang mga followers at subscriber na ‘sabik sa kakaibang panoorin’ lalo na sa panahon ng lockdown.
Gayunman, ipinaliwanag ng DSWD, nakaaalarma ang mga ganitong gawain, lalo na't wala namang age restrictions sa paggamit ng internet at social media. Lahat ay maaaring maka-access sa mga ganitong uri ng panoorin sa online world. Malaki umano ang posibilidad na magkaroon ng pang-aabuso sa mga bata o tinatawag na child pornography, lalo na kung hindi nagagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Sa kabila nito, hindi rin dapat husgahan ang mga nagsasagawa ng cyber prostitution at cyber pornography dahil baka may mas malalim na dahilan kung bakit nila ginagawa ito: na karamihan, hindi lamang para sa kanilang sarili, kung hindi para din sa kanilang pamilya, lalung-lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.