TARLAC CITY - Tatlo ang naiulat na binawian ng buhay nang mabangga ng isang truck ang sinasakyang tricycle ng mga ito sa Barangay San Sebastian ng naturang lungsod, nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Police Staff Sergeant Ryan Paulo ang tatlo na sina Inocencio Macapagal, Jr., 38, may-asawa, driver ng tricycle, taga-Sta. Monica Heights Subdivision, Brgy. San Rafael, Tarlac City; Christian Vordeos, nasa hustong gulang; at Daniel Dela Rosa, 24, kapwa taga-nasabi ring lugar.
Ginagamot pa sa Tarlac Provincial Hospital si Jayson San Diego, taga-Brgy. San Rafael ng lungsod sanhi ng mga sugat nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck na nakilalang si Khanevidz Ral Agadan Petilan, 18, binata at taga-Lamtang Puguis, La Trinidad, Benguet, ayon kay Tarlac Police chief, Lt. Col. Modesto Flores Carrera
Pauwi na sana ang apat na pasahero ng tricycle at binabagtas ang national highway nang masalpok ng truck na minamaneho ni Petilan, dakong 4:30 ng madaling araw.
Nahaharap ngayon si Petilan ng kasong multiple homicide, serious physical injury at damage to property.
Leandro Alborote