Nagtayo pa ng mga karagdagang tent sa lahat ng mga health facilities dahil punuan na ang mga private at government hospital sa Pangasinan.
"Mas matindi po ang hagupit ng COVID-19 sa atin ngayon. Puno na po ang ating mga ospital," pahayag ni Governor Amado Espino III sa kanyang Facebook live nitong Biyernes, Agosto 27.
Kaugnay nito, inihayag din ng Gobernador na patuloy silang naghahanap ng mga karagdagang healthcare workers upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga pasyente ng COVID-19.
Nanawagan si Gov. Espino sa lahat ng mga Pangasinense na magkaisa at labanan ang COVID-19 dahil nakakaalarma ang pagtaas ng bilang ng bagong kaso.
Naitala sa nakaraang limang araw simula Linggo, Agosto 22 na may 202 na bagong kaso, sinundan ng 317 noong Agosto 23, pagkatapos ay naging 344 noong Agosto 24, habang 489 naman noong Agosto 25 at ang pinakahuling datos ay noong Agosto 26 na umabot sa 592 na bagong kaso.
"Nakakaalarma ang ating mga datos nitong nakaraang araw. Kitang-kita po araw-araw ang pag-akyat ng bagong kaso. Puro all-time highs po ang mga numerong ito," ani Gov. Espino.
Binigyang diin ng gobernador na ang mga ospital ay fully occupied na at pagod na ang mga health workers.
"Pagod na po ang ating mga doktor, nurses, at health workers ngunit patuloy pa rin ang kanilang serbisyo at sakripisyo para mailigtas ang buhay ng kanilang pasyente o ang ating mga kababayan," aniya.
Bilang paalala, muling sinabi ng punong ehekutibo ng probinsya ang kahalagahan ng mahigpit na pagsasagawa ng mga pangunahing health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas ng kamay, at pisikal o social distancing.
Liezle Basa Inigo