Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na handa silang magdaos ng pilot run ng face-to-face classes sakaling pahintulutan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte,sa gitna pa rin ito ng COVID-19 pandemic situation sa bansa.

Idinahilan ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, natapos na ng DepEd at ng Department of Health (DOH) ang mga guidelines na ipapatupad para sa dry run ng face-to-face classes para sa may 100 paaralan na matatagpuan sa mga lugar na klasipikado bilang low-risk sa COVID-19.

“If makapagpresenta... at tsaka mag-go signal ang Pangulo, we are ready,” pagtiyak pa ni Malaluan, sa panayam sa radyo at telebisyon.

Sa ngayon aniya, aabot sa 600 paaralan ang ikinukonsidera para sa pagsasagawa ng pilot face-to-face classes matapos na makapasa sa ebalwasyon para sa kahandaan ng mga ito.

National

Amihan, shear line, magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Sa tulong aniya ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), nakabuo ang DepEd at DOH ng dashboard na makatutulong sa kanila sa monitoring ng mga paaralan na ikinukonsiderang mayroong low risk para sa transmission ng COVID-19.

Paliwanag niya, sa pamamagitan ng naturang dashboard ay nakikita nila ang mga risk classification ng isang lugar at maging ng mga paaralan.

Sa naturang 600 paaralan naman, 100 lamang aniya ang pipiliin para magsagawa ng pilot face-to-face classes.

Pipili aniya sila ng ilang paaralan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao dahil kinakailangan sa pag-aaral na magkaroon ng representasyon mula sa iba’t ibang isla sa buong bansa.

Gayunman, paglilinaw ni Malaluan, ang National Capital Region (NCR) ay hindi ikinukonsidera para sa pilot classes bunsod na rin ng sitwasyong pangkalusugan sa rehiyon.

Umaasa aniya ang DepEd na ang mga guidelines para sa pilot face-to-face classes ay matatalakay sa susunog na pulong ng mga gabinete para sa pag-apruba ni Duterte.

Kinumpirma naman ni Malaluan na hanggang sa ngayon ay hindi pa natatapos ng pamahalaan na bakunahan laban sa COVID-19 ang lahat ng public school teachers sa bansa dahil na rin sa ipinatutupad na geographical prioritization policy.

Mary Ann Santiago