Nagpahayag na si Health Secretary Francisco Duque III ng kahandaan na magbitiw sa puwesto sa sandaling malinis na niya ang pangalan ng Department of Health (DOH) sa Commission on Audit (COA).

Ang pahayag ay ginawa ni Duque nitong Sabado matapos na manawagan sa kanya si Senator Bong Go na gumawa ng ‘supreme sacrifice’ pagdating ng tamang oras.

“‘Yun naman ang aking pakiusap na i-clear ang COA findings, COA observations, ang aming action plan doon sa recommendations and then I am leaving,” paniniyak ni Duque sa isang television interview.

Kasalukuyan na aniya siyang nakikipag-usap sa mga hepe ng mga regional office ng DOH at DOH hospitals, gayundin sa mga pinuno ng mga treatment rehabilitation centers sa buong bansa upang siguruhing tatalima sila sa requirements at mga rekomendasyon ng COA.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“It’s a matter of time. ‘Yun naman talaga ang hiningi ko. I’m stepping down…pero bigyan lang ako ng kaunting panahon para maayos namin ng DOH ang lahat ng COA observations and findings,” aniya pa.

Nagpahayag din naman ng paniniwala ang kalihim na hindi maaapektuhan ng kanyang pagbibitiw ang COVID-19 response sa bansa.

Aniya, maayos naman na ang takbo ng vaccination program at inaasahang darating na sa bansa ang mga suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa huling bahagi ng taong ito.

Tiniyak din niya sa publiko na wala siyang anumang ibinulsang pondo mula sa pondo ng DOH.

Dagdag pa niya, itinuturing niyang isa sa kanyang mga iiwanang legasiya, ang kanyang pagiging DOH chief sa panahon ng COVID-19 pandemic.

“Ako ang naging kalihim [during the pandemic] at huhusgahan ako ng taumbayan kung 'yung bilang ng namatay ba ay napakalaki, katulad ng ibang bansa na daang libo o isang milyon ang namatay. Sa atin naman kahit papaano mismong si Senator [Richard] Gordon na nagsasabi na ang death rate natin ay mababa compared sa ibang bansa,” ani Duque.

“So let the people be the judge. ‘Yung judgment na 'yan unfortunately ‘di puwedeng dumating ‘yan ngayon. Matagal pa darating ‘yang judgment na ‘yan kapag halimbawa naayos na ang herd immunity, ang vaccination ng lahat ng mamamayan at maging common cold na lang ang COVID-19. Ibig sabihin malaki ang papel na aking ginampanan diyan, lalung-lalo na ang papel na ginampanan ng DOH," dugtong pa ni Duque.

Mary Ann Santiago