QUEZON - Natusta ang isang 4-anyos na babae at kapitbahay na dalagitang nakitulog lang sa kanila nang masunog ang kanilang bahay sa Guinayangan ng nasabing lalawigan, nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Guinayangan, nakilala ang dalawa na sina Melissa Joy dela Cruz, 4, at Michaela Abellanosa, 15.
Natupok ang bahay ng pamilya ni dela Cruz kung saan sila natutulog ng kapitbahay na si Abellanosa sa Barangay Manggagawa, dakong 1:30 ng hapon.
Naabo rin ang 38 pang bahay bago pa dumating ang mga bumbero.
Madalas umanong sinasamahang matulog ni Abellanosa si dela Cruz sa kanilang bahay dahil gabi-gabi ay umaalis ang kanyang mga magulang upang kumuha ng isda sa Calauag.
Binanggit ng BFP na madaling gumapang ang apoy sa mga katabing bahay dahil gawa lamang sa light materials.
May teorya ang imbestigador na tulog na ang dalawa nang maganap ang insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Tinataya namang aabot sa₱700,000 ang halaga ng ari-ariang natupok sa insidente.
Danny Estacio