Naaresto ng mga tauhan ng Pasig City Police Station Intelligence Operatives ang isang lalaking itinuturing na No.10 fugitive ng Supreme Prosecutors Office of Korea, sa ikinasang manhunt operation sa Brgy. Ugong, Pasig City nitong Miyerkules ng hapon.

Larawan mula sa Pasig PNP/FB

Kinilala ni PMaj Jose Luis Aguirre, hepe ng Pasig City Police-Station Intelligence Section, ang suspek na si Voram Park, 39.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa ulat ni Aguirre kay Pasig City Police chief, PCol Roman Arugay, dakong alas-3:50 ng hapon nang maaresto ang suspek sa Julia Vargas Avenue, sa Brgy. Ugong.

Nauna rito, nakipag-ugnayan ang Korean National Police sa mga lokal na awtoridad matapos na matukoy na nasa naturang lugar nagtatago si Park.

Kaagad naman silang nagkasa ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng dayuhan.

Nabatid na si Park ay itinuturing na pugante sa kanilang bansa dahil sa paglabag sa Article 347-(1) ng Criminal Act ng Republic of Korea.

Batay sa intelligence report,lumilitaw na mula Setyembre 5, 2012 hanggang Hulyo 19, 2013, ay nakipagsabwatan umano ang suspek sa iba pang miyembro ng voice phishing crime organization at nambiktima ng libu-libong tao sa pamamagitan nang pagtawag sa telepono at pagpapangggap na sila ay mga loan officers ng financial institutions.

Bilang resulta, nakatanggap ang defendants ng kabuuang KRW 3,815,475,491.00 para sa loan deposit at mga interes na binayaran ng advance.

Inaasahan namang kaagad na ibabalik ng mga Korean police ang suspek sa kanilang bansa upang litisin at papanagutin sa kanyang mga kasalanan.

Bukod naman sa kinakaharap na kaso sa kanilang bansa, ang suspek ay itinuturing na rin na undesirable alien at overstaying alien sa Pilipinas.

Mary Ann Santiago