Kumpiyansa umano ang Malacañang na na-manage ng gobyerno ang coronavirus (COVID-19) pandemic, at magpapatuloy na gawin ito sa kabila ng plano ni Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise presidente sa eleksyon sa 2022.

Ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos kumpirmahin ni Pangulong Duterte ang pagtakbo sa susunod na taon dahil sa “unfinished business” sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, at iba pa.

Sa kanyang press briefing nitong Huwebes, Agosto 26, sinabi ni Roque na ang pandemya pa rin ang pangunahing prayoridad ng pangulo.

“Tingin ko po, kahit anong maging plano ng ating Presidente, pangunahing atensyon pa rin niya ang pandemya,” ani Roque.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dagdag pa niya, ang paglutas ng health crisis ang palaging nasa utak umano ng Pangulo.

“Kaya nga po, kahit papaano, kahit kaunti ang ating resources kumpara sa iba, kahit sinosolo ng mga mayayamang bansa ang mga bakuna, eh umuubra naman po tayo,” aniya.

“Nama-manage naman po natin fairly well ang ating COVID response,” dagdag pa niya.

Patuloy pa rin hinihikayat ng opisyal ang publiko na magpabakuna na upang makabalik na umano sa dating pamumuhay ang bawat isa.

Argyll Cyrus Geducos