Umaabot na ngayon sa halos 132,000 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 16,313 bagong kaso ng sakit hanggang nitong Agosto 26, 2021.

Batay sa case bulletin no. 530, nabatid na umaabot na ngayon sa 1,899,200 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, 6.9% pa o 131,921 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa sakit at maaari pang makahawa.

Sa active cases naman, 96.1% ang mild cases, 1.2% ang severe, 1.1% ang asymptomatic, 1.03% ang moderate at 0.6% ang critical.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Mayroon rin namang 9,659 pang pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t umaabot na ngayon sa 1,734,551 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 91.3% ng total cases.

Samantala, mayroon ring 236 pasyente pa ang namatay dahil sa sakit.

Sa ngayon, nasa 32,728 na ang total COVID-19 death toll sa Pilipinas o 1.72% ng total cases.

Ayon sa DOH, mayroon pa rin namang 201 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 201 recoveries.

Mayroon ring 125 kaso pa ang unang tinukoy bilang recoveries ngunit kalaunan ay nadiskubreng namatay na pala sa pinal na balidasyon.

Dagdag pa ng DOH, sa mga susunod na araw ay maaari pang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 kaya’t nagpaalala sa mga mamamayan hinggil sa istriktong pagsunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies, at pagbabakuna ay nanatiling pinakamabisang depensa sa COVID-19.

“Mahalaga rin na tayo ay mag-isolate at makipag ugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19. Ang maagang konsultasyon at pagpapatest ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan,” anang DOH.

Mary Ann Santiago