Pinangunahan kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Major General Vicente Danao Jr. ang panunumpa ng 709 na bagong police recruits sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ito ay pagpapalakas sa kumpiyansa ng Philippine National Police (PNP) para sa mas maagap na pagtugon ng puwersa sa pakinabang ng seguridad, proteksiyon at paglago ng bansa.
Ang mga bagong pulis ay sumumpang magseserbisyo publiko ng may karangalan, hustisya at integridad matapos silang makapasa sa matinding screening ng Patrolman/ Patrolwoman Recruitment Program ng NCRPO kasama na rito ang serye ng physical exercises, medical, dental at neuropsychiatric examination upang mahasa ang kanilang kapabilidad at pagtitiyaga.
Nangako ang mga bagong recruit na gagampanan nila ng buong puso ang kanilang tungkulin sa publiko at ilalaan ang kanilang mga sarili na maging epektibong miyembro ng pulisya.
Sasailalim ang mga ito sa Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) training sa loob ng anim na buwan sa National Capital Region Training Center at Cordillera Administrative Region Training Center.
May panibagong anim na buwan din ang gugugulin nila sa kanilang field training habang sumasabak sila sa Field Training Program (FTP) kung saan sasanayin ukol sa police science, combat and tactics, operations and traffic procedures, at iba pa.
Mainit na binati ni Danao ang mga recruits at binigyang diin nito na ang pag-aaplay sa police service ay may kaakibat na mga hirap at kailangang pahalagahan ang kanilang serbisyo at maging responsableng unipormadong mga tao.
Tiniyak pa ng NCRPO chief na nasa mabuting kamay ang mga ito habang nasa loob ng police training centers.Â
Bella Gamotea