Isang panukalang batas na layong ilakip ang absolute divorce sa Family Code of the Philippines ang nakatakdang talakayin sa plenarya ng Kongreso matapos maipasa sa Committee on Population Family Relations nitong Agosto 17.
Kasama sa maaaring grounds for divorce ang ilan nang grounds for legal separation, annulment at nullification of marriage kabilang ang sumusunod:
·Hindi pagsasama sa loob ng 5 taon;
·Pagsasailalim ng gender reassignment surgery o sex transition ng asawa;
·Irreconcilable marital differences;
·Iba pang porma ng domestic and marital abuse;
·Foreign divorce;
·Nullification of marriage sa isang kinikilalang religious tribunal; atbp
Konserbatismo laban sa divorce law?
Maliban sa Vatican, ang Pilipinas lang ang natatanging bansa sa mundo na walang divorce law. Hindi ito kataka-taka dahil malawak ang impluwensya ng Simbahang Katolika o 80 porsyento ng populasyon ay deboto nito. Bilang resulta, mabagal o hindi tuluyang umuusad ang mga panukalang batas sa Senado at Kongreso.
Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), limitado lang ang ligal na hakbang ng mga Pilipinong nais kumawala sa isang mapang-abusong pagsasama.
Paano nagkakaiba ang declaration of nullity of marriage, annulment, legal separation?
Sa declaration of nullity of marriage, idedeklarang walang bisa ang kasal sa simula pa lang sa ilang mga kondisyon:
·kakulangan ng esensyal na dokumento sa kasal (Art. 4);
·psychologically incapacitated ang isang panig (Art. 36);
·magkamag-anak ang dalawang panig (Art. 37);
·marriage against public policy (Art. 38);
·bigamous o polygamous ang pagsasama; atbp.
Samantala, kinikilala ng annulment na valid ang isang marriage at mapapasawalang bisa lamang ito sa mga sumusunod na kondisyon:
·hindi paghingi ng parental consent sa magulang ng pinakasalang edad sa pagitan ng 18 hanggang 21 taong gulang;
·mental incapacity ng asawa;
·paggamit ng puwersa, intimidasyon impluwensya o panloloko para makuha ang permisong magpakasal;
·pagiging dahilan ng pagkahawa ng isang sexually transmitted disease;
Isang matagal at nakakapagod na proseso rin ang aasahan sa legal separation na may halos kaparehang grounds sa dalawang legal remedies. Gayumpaman, ilansa mga kahinaan nito ang mga sumusunod:
·Hindi tuluyang pinuputol ang ugnayan ng mag-asawa;
·Literal lang na hihiwalay ang isang panig sa guilty spouse at sasailalim sa ilang proseso kabilang ang hatian sa ari-arian;
·Hindi protektado sa kasong adultery o concubinage ang mga ligal na asawa sa oras na pumasok ito sa isang panibagong relasyon
Bakit kailangan pa rin ng divorce law?
Sa kawalan ng divorce law sa Pilipinas, walang ligal na pamamaraan para tuluyang mabura o matapos ang isang valid marriage, maliban sa ilang probisyon sa ilalim ng Presidential Decree No. 1083 o ang Code of Muslim Personal laws, na ekslusibo sa mga itinalagang Muslim court at ang Article 26 sa Family Code na kumikilala sa divorce decrees ng ibang bansa sa pagitan ng ikinasal na isang Pilipino at foreign national.
Divorce Law, mailap sa Senado at Kongreso
Ilang inisyatiba na rin sa parehong Kongreso at Senado ang hindi na umusad para tuluyang maging batas ang divorce sa bansa.
Noong Marso 18, 2019, isang makasaysayang pagpasa sa isang panukalang batas na nagsusulong ng divorce ang natunghayan sa Kongreso. Ang House Bill No. 7303 ay nailusot sa Kamara, 13 taon matapos itong unang ihain sa 13th Congress noong 2005. Ito’y sa gitna rin ng pagtutol ng Pangulo na isabatas ang divorce.
Ilang magkatulad na panukala rin ang inihain ng ilang mambabatas sa 14th, 15th, 16th Congress. Sa 17th Congress, ang House Bill 7303 ang tanging umabot sa plenarya ng Kongreso.
Taong 2018 ng muli ring isinulong sa Senado sa pamamagitan ng Senate Bill 2134 o ang Divorce Act of 2018 ni Sen. Risa Hontivero, bigo pa rin itong makausad bilang batas.
Sa dinami-rami ng mga panukala, walang ni isa sa mga ito ang tuluyang nagsabatas ngdivoce sa bansa.
Sa kasalukuyan sa 18thCongress, isang pagtatangka muli ang inihain sa Kongreso nang aprubahan ngCommittee on Population and Family Relation via unanimous decision ang panukalang batas na nagsusulong ng absolute divorce.
Sa ngayon, hindi pa rin malinaw kung ano ang kahahantungan ng bagong panukalang batas—kung uusad na ba ito o muli ring mabibigo sa plenarya.
Simula pa taong 1999, isinulong na sa dalawang chambers ang muling pagsasabatas sa divorce law na minsan nang naging ligal sa kasaysayan ng bansa. Kabilang sa punto ng oposisyon ang malaking banta umano nito sa pagkasira ng pamilyang Pilipin. Dagdag pa, hindi raw tumutugon sa Konstitusyon na may pagpapahalaga sa pagsasama ng pamilya ang pagsasabatas sa divorce law.
Sa kabila ng mga datos ng mapang-abusong pagsasama, mananatili pa rin bang sarado ang batas ng Pilipinas para protektahan ang mga biktima?