Bagong tahanan ang aasahan ng mga Olympians matapos makatanggap ng bagong bahay at lupa sina 2020 Tokyo Olympics medalists Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial sa Olympic Lane sa Tagatay.

Larawan: Hidilyn Diaz/IG

Pinangunahan ni Philippine Olympic Committee (POC) chief Abraham “Bambol” Tolentino ang ceremonial groundbreaking nitong Agosto 18, na inaasahang matatapos sa Disyembre ngayong taon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nagkakahalaga ng ₱ 5 milyon ang bawat bahay na nakalaan para sa mga Olympic medalists, katulad ng naunang ipinangako ng POC.

"Sobrang thankful ako siyempre, una kay God, thankful [din] ako sa lahat ng Pilipino, sa nagbigay ng unexpected blessing sa amin," pagpapasalamat ni Diaz sa isang pulong balitaan matapos ang Thanksgiving mass.

Larawan: POC

"'Yung dati, wala po kaming permanenteng bahay. Nakikitira lang kami sa ilalim ng trapal, puno ng rambutan," pagbabahagi naman ni Petecio.

"Ngayon po, masasabi kong, grabe, may sariling bahay na po kami ng pamilya ko," paglalahad pa ni Petecio.

Labis na kasiyahan din ang naramdaman nina Paalam at Marcial matapos makatanggap ng bagong bahay at lupa.

"Parang panaginip lahat, pero [nagka-]totoo. Sana sa ibang atleta, sana ma-inspire sila sa lahat ng blessing na tinanggap namin ngayon at sana sila rin balang araw," ani Marcial.

Bukod sa bagong bahay at lupa, nag-uwi rin ang mga Olympians ng bagong sasakyan mula sa kompanyang United Asia Automotive Group Inc. (UAAGI).

Si Diaz ay umuwing mayroong bagong 13-seater Foton TransVan. Bagong Chery Tiggo 2 subcompact SUV naman ang natanggap ni Petecio at Foton GraTour MT MPV naman ang nakuha ni Paalam. Samanta, wala mang bagong kotse si Marcial ay nag-uwi naman ito ng P300,000 cash mula rin sa nasabing kompanya.

Nitong Agosto 9, nakatanggap si Diaz ng condominium unit na nasa One Eastwood Avenue mula sa Megaworld at ito ay nagkakahalaga ng ₱ 14 milyon.

Larawan: GMA YouTube

“All that Hidilyn and her family need to do is just bring their clothes and other personal effects, and they are good to stay in the unit," ani Megaworld chief strategy officer Kevin Tan.

"We are excited to welcome her and her family and loved ones to Eastwood City, particularly in this newest residential condominium tower in our first-ever township. She has brought so much pride to our country and she deserves all these rewards for her hard work in raising our flag so high in the Tokyo Olympics," dagdag pa nito.