Mas mabilis at mas madali na ngayon ang pagpaparehistro para sa COVID-19 vaccination sa San Juan City.
Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, bukod sa online registration ay gagamit na rin sila ngayon ng text registration para maging mas mabilis para sa mga residente ang pagpaparehistro upang makapagpabakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ng alkalde na halos ubos na ang mga pangalan na nagparehistro online para sa bakuna, kaya’t naisipan nilang higit pang gawing mas madali ang pagpaparehistro para sa programa.
“Halos ubos na po ang mga pangalan ng mga nagpa-rehistro online. Kaya kung kayo po ay hindi pa nate-text o hindi pa nagpaparehistro, maaari po kayong mag-register thru TEXT,” anang alkalde.
Nilinaw naman ni Zamora na available rin ang naturang programa para sa mga hindi residente ng lungsod ngunit nagtatrabaho naman sa lungsod.
“Magandang balita para sa mga taga ibang lungsod ngunit dito nagtatrabaho sa San Juan. Pinahahalagahan po namin ang paglilingkod ninyo sa inyong mga trabaho dito sa San Juan. Kaya naman po tayo ay naglunsad ng TEXT REGISTRATION bilang karagdagang paraan para mas madali at mabilis kayong makapagparehistro sa ating vaccination program,” aniya pa.Ang mga nais aniyang magparehistro para sa bakuna gamit ang text message ay maaaring mag-text ng kanilang pangalan, edad, birthday, address at phone number sa mga numerong 09683320245 para sa Smart subscribers at 09674680548 naman para sa Globe subscribers.
Hinikayat rin niya ang mga mamamayan na samantalahin ang pagkakataon at magparehistro na at magpabakuna upang mabigyan sila ng proteksyon laban sa COVID-19, partikular na sa mas nakahahawang Delta variant nito.
Matatandaang una nang binuksan ng San Juan city ang vaccination sa lungsod para sa mga hindi residente matapos na ma-fully-vaccinate na nila ang 70% ng kanilang populasyon laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago