Disyembre taong 2003 nang magluksa ang pamilya Sotto sa pagkamatay ni Miko Sotto, anak ng broadcast journalist na si Ali Sotto sa dati nitong asawa na si Maru Sotto.
Sa gitna ng pagluluksa, pinili ni Ali na i-donate ang mga bahagi ng katawan ni Miko na maaaring i-donate sa ibang pasyenteng nangangailangan.
"Noong nawala si Miko, lahat ng pwedeng i-donate na organ, eh dinonate ng nanay (Ali)," pagbabahagi ni Vic Sotto sa segment ng Eat Bulaga na "Bawal Judgemental" noong Hunyo 26, 2021.
Isa sa napiling recipient si Maria Esmeralda Baribad o Esme na mula sa lungsod ng Makati. Natanggap ni Esme ang cornea ng pumanaw na aktor.
Kwento ni Esme, natalsikan ng bubog ng binta ang kanyang kaliwang mata at ayon sa kanyang ina, matapos ng insidente na iyon ay hindi na mamulat ni Esme ang kanyang kaliwang mata.
Lubos na nagpasalamat si Esme kay Ali dahil siya ang napili nitong recipient ng cornea ng anak nitong si Miko.
“Thank you din po kasi ako yung napili na mabigyan ng cornea ni Kuya Miko,” ani Esme.
“Siguro sa ibang tao kung magkaroon sila ng gano’ng situation parang mahirap din, pero para sa akin dahil do’n nanatili ako na mamuhay nang normal,” dagdag pa ni Esme
Samantala, nag-iwan ng video message si Ali para kay Esme na ipinalabas rin sa segment.
Aniya, “Hi, Esme. I miss you. Ano ba ‘yan? Ang tagal na nating hindi nagkita dahil sa pandemic na ‘to.”
Nagpasalamat rin si Ali kay Esme dahil malaki raw ang naging tulong ng organ transplant para maibsan ang kalungkutan ni Ali.
“Kasi nga matitigan lang kita, makita lang kita you make me so happy na kasi bahagi ng anak kong si Miko lives on because of you.”
Umaasa si Ali na matapos na ang pandemya nang personal na siyang mabisita ni Esme. "Kaya hopefully matapos na soon para mabisita mo na uli ako tapos matitigan ko na uli ang mga mata mo," ani Ali.
Si Marcelino Antonio "Miko" Carag Sotto III ay kilalang aktor na showbiz. Ilan sa pelikulang ginampanan niya ay ang Fantastic Man (film version), bilang si Reggie, taong 2003 at Bahay ni Lola taong 2001 bilang si Buboy.
Pumanaw siya noong Disyembre 29, 2003, matapos mahulog mula sa ika-siyam na palapag ng tinitirhan nitong condominium unit sa Mandaluyong City.