Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 12,067 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Martes.

Base sa case bulletin no. 528 ng DOH, nabatid na umaabot na sa 1,869,691 ang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Agosto 24, 2021.

Gayunman, sa naturang bilang, 6.8% pa o 127,703 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa sakit at maaari pang makahawa.

Kabilang sa active cases ang 95.5% na may mild cases, 1.7% na asymptomatic, 1.2% na severe, 0.93% na moderate at 0.6% na critical.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Mayroon rin namang 14,565 pasyente pa ang iniulat ng DOH na gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 1,709,724 total COVID-19 recoveries sa Pilipinas o 91.4% ng total cases.

Samantala, mayroon din namang 303 pang pasyente ang namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa kabuuan, mayroon nang 32,264 total COVID-19 deaths sa Pilipinas o 1.73% ng total cases.

Ayon sa DOH,mayroon ring 22 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 15 recoveries.

Nasa 161 kaso rin naman na unang tinukoy na gumaling na mula sa karamdaman, ang malaunan ay natukoy na namatay na pala sa pinal na balidasyon.

Anang DOH, sa pinakahuling ulat, ang lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Agosto 22, 2021 habang mayroong 10 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 10 labs na ito ay humigit kumulang 3.9% sa lahat ng samples na naitest at 4.4% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

Sinabi rin naman ng DOH na ang ‘relatively low’ na bilang ng mga kaso nitong Martes ay dahil sa mas mababang laboratory output noong Linggo.

Mary Ann Santiago