Isang malaking kasiyahan ng mga magulang na makitang nakasuot ng toga at graduation cap ang kanilang mga anak, naglalakad sa entablado habang tinatawag ang pangalan, at iniaabot ang diploma o kaya'y isinasabit ang medalya ng karangalan sa leeg. Edukasyon nga raw ang tanging pamana ng mga magulang sa anak na hinding-hindi mananakaw ninuman.
Kaya naman, viral ngayon ang Facebook post ng isang kaka-graduate na doktora na si "Janamarie Oriola-Uy," 25 taong gulang mula sa Quezon City, na kasalukuyang post-graduate intern (PGI) sa Capitol Medical Center. Naantig ang netizens sa makabagbag-damdaming pag-aalay niya ng kaniyang tagumpay sa kaniyang ama---na sumalangit na ang kaluluwa dahil sa sakit na liver cancer, noong 2019.
Binalikan ni Jana ang madalas na sabihin sa kaniya ng ama, sa oras na naka-graduate na siya sa pagka-doktor.
"My father used to say 'Pababahain ko ng alak buong barangay pagka-graduate mo,' 'Yang anak kong yan, magiging doctor yan pero napakaarte niyan' but he did not even see me wear my V-neck uniform. Or my scrubs, my white coat even my wedding dress. I can only hope he gets the news every time," aniya.
"And as I am writing this, wearing his oversized shirt remembering how he always makes sure there's already coffee when I wake up at 3 or 4am back in my college days, my heart breaks a thousand pieces once again," dagdag pa.
Ayon sa panayam ng Balita Online kay Jana, aminadong isa siyang 'Papa's girl, at bata pa lamang siya umano, gusto na ng kaniyang Mama at Papa na maging doktor siya.
Sa katunayan aniya, hindi dumalo sa kahit na anong graduation niya ang Papa niya, kahit noong elementarya ta hayskul siya.
"Never umattend Papa ko sa kahit anong graduation ko kasi gusto niya, ngayong graduation sa med school po sana ang madaluhan niya," aniya.
Hindi raw niya makalilimutan ang pag-aasikaso nito sa kaniya habang nag-aaral sa med school. Ito pa ang tagatimpla niya ng kape kapag bumabangon na siya sa madaling-araw para pumasok sa eskuwela.
Ngunit noong 2018, tila napaka-ironic na siya ay isang future-doctor ngunit ang kaniyang Papa ay tinamaan ng liver cancer. Alam na umano ni Jana ang mga susunod na mangyayari. Mas mahirap umano sa katulad niyang medical student ang sitwasyon dahil alam niya ang pagdaraanang hirap ng kaniyang Papa.
"Tina-try ko po noon na maging handa sa bawat araw na nakikipaglaban siya sa sakit niya, na isang araw puwede siyang mawala, pero I guess, kahit kaming medical professionals, never magiging ready sa sakit ng mawalan sa buhay," paliwanag niya.
Dahil sa mahal na gamutan sa ospital, nais na umano niyang tumigil sa pag-aaral, subalit malaking "No" ang binitiwang kataga ng kaniyang Papa. Hindi ito pumayag na huminto siya at alagaan na lamang siya ng anak.
"My Papa made sure na hindi ako mahihirapan pagdating sa pag-aaral ko. There was a time po na sinabi ko na titigil muna ako para alagaan siya and mag-focus na lang sa paghahanap ng donor for his operation. He firmly said no," aniya.
Dagdag pa niya, "Prinsesa po talaga turing sa akin ng Papa ko. You can say na hindi po talaga ako nahirapan financially kasi he made sure na everything will be taken care of at wala akong iisipin kundi pag-aaral ko lang."
Habang buhay pa ito, wala umano itong tigil sa pagpapaalala sa kaniya na palaging maging matatag at matapang, dahil hindi umano habambuhay na nariyan siya sa tabi ni Jana. Huwag umanong mawawalan ng takot sa Diyos. Palagi rin umano nitong sinasabi sa anak na proud na proud siya rito sa kahit anong desisyon ang gawin niya.
Bukod sa kaniyang Papa, Mama, at mga kapatid, inialay rin niya ang graduation sa kaniyang mister na si Claude.
"And to my husband Claude, my constant, my Anderson. We missed a lot of our 1st together - 1st Christmas, New year, 1st month and 1st anniversary, but thank you for your patience, love, respect and prayers. I promise, everything will be worth it kaya konting tiis pa ha? I will see you soon baby."
May mensahe naman si Doktora Jana sa mga graduating students na mapalad na nakakasama pa ang mga magulang nila, ayon sa panayam sa kaniya ng Balita Online.
"Respect your parents and value the limited time you have with them, make them feel cherished and cared for dahil ang swerte n'yo kung sa araw-araw, may mauuwian kayong magulang. It’s been 2 years already, but I still cry whenever I miss him. The pain stays the same like it only happened yesterday so please, love them and make sure they are happy," mensahe niya.
Dahil umano sa nangyari sa kaniyang papa, binabalak na niya umanong maging oncologist o kaya naman ay espesyalista sa mga sakit na kaugnay ng liver.
Congratulations, Doktora Jana!