Nakiisa ang isang grupo ng dating student leaders mula Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa panawagang naghihikayat sa pagtakbo bilang Pangulo ni Vice President Leni Robredo sa Halalan 2022.

Sa isang pahayag, dineklara ng Nagkaisang Tugon, samahan na naitatag noong 1981, ang suporta sa kandidatura ni Robredo sa susunod na halalan.

Dagdag ng grupo, si Robredo ay may katangian ng isang mabuting lider na kailangan ng Pilipinas.

“Kami ay naniniwala at nagpapahayag na si Leni Robredo ang tawag ng panahon para mamuno ng bayan,” pagdedeklara ng grupo.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Ayon kay Jj Soriano, lead convenor at co-founder ng Nagkaisang Tugon at dating Vice-Chairman ng UP Student Council, aktibong taga-suporta si Robredo sa kanilang samahan noong estudyante pa lamang ito sa UP.

“Kaya’t nakita na natin na ang ikabububuti at ikauunlad ng ating bayan ang kanyang hangarin sa Makatao, Makabayan at Maka-Diyos na paraan," sabi ni Soriano.

Nagpahayag din ng suporta ang Samasa Alumni Association, Inc. para sa muling pagbuo ng mas epektibo at makabuluhang pamahalaan na ayon sa samahan ay makakamit sa pamumuno ni Robredo.

Ang Samasa ay nabuo 40 taon na ang nakalilipas, ito ay isa sa mga grupong lumaban sa diktaturya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Samantala, hindi pa nakakapagdesisyon si Robredo tungkol sa kanyang planong politikal ngunit nilinaw ng kanyang kampo na ang kandidatura pagka-Pangulo ay nananatiling ‘first option’ ni Robredo.

Argyll Cyrus Geducos