Gagamitin umano ng Department of Health (DOH) ang kanilang contingency fund upang maibigay ang special risk allowance (SRA) ng mahigit 20,000 pang health workers sa bansa.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may pang 20,156 health workers mula sa private at public sectors ang idadagdagsa listahan ng mga makakatanggap ng SRA.

Aniya,aabot sa P311 milyon ang halagang kakailanganin para dito ngunit hindi pa aniya ito pinal dahil kailangan pa nilang hintayin ang pinal na listahan at halaga na isusumite ng kanilang mga pasilidad at mga regional offices.

“Ang worth nito is P311 million para bayaran po natin itong additional na list but that’s not final yet. Kailangan po naming antayin ‘yung final list na isusumite sa amin ng aming mga facilities at regional office,” ayon pa kay Vergeire.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binigyan ng DOH hanggang Huwebes ng linggong ito ang mga ospital upang isumite ang listahan ng karagdagang health workers na bibigyan ng SRA dahil isasailalim pa ito sa balidasyon.

Bukod dito, hihingi pa umano ang Department of Budget and Management (DBM) ng pahintulot mula sa Office of the President upang payagan ang DOH na gamitin ang kanilang contingency funds para sa SRA.

“‘Pag pumayag na po ang DBM, we will already be able to issue the funds for these additional healthcare workers,” pagtiyak pa ni Vergeire.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOH at sa DBM na i-release ang mga allowance at benepisyo ng mga medical frontliners sa loob ng 10-araw.

Kasunod ito nang pagbabanta ng health worker groups na magsasagawa sila ng mass protest kung hindi irerelease ng DOH ang kanilang mga benepisyo.

Mary Ann Santiago