Nagdaos ng emergency meeting ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Lunes matapos umanong hindi umepekto o hindi makatulong sa pagpapababa ng mga kaso ng COVID-19 ang ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang lugar sa bansa.
Mismong si Health Secretary Francisco Duque III ang nagkumpirma ng naturang ulat sa ginawa niyang pagdalo sa isang Go Negosyo forum.
Ayon kay Duque, kailangan niyang iwanan ng maaga ang naturang forum dahil sa isang emergency meeting sa mga regional directors ng DOH sa Central Visayas at Northern Mindanao.
“I have an emergency meeting with DOH regional directors of Region 7 (Central Visayas) and Northern Mindanao (Region 10) because despite the prolonged ECQ, there seems to be no improvement,” anang kalihim.
“It is really troubling, to say the least,” aniya pa.
Samantala, ayon naman kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, dumarami ang COVID-19 cases sa ilang rehiyon, kabilang ang Regions 1, 2, 3, 4A, 7, 10 at National Capital Region (NCR).
“I think we have seen a general trend across the country in terms of the increase in the number of active and new cases and this is very specific for Region 1, 2, and most in Region 3, 4A, and the NCR and Region 7 and Region 10,” ani Vega, na siya ring COVID-19 treatment czar, sa isang panayam sa telebisyon.
Matatandaang ang Iloilo City, Iloilo province, Cagayan de Oro City at Gingoog sa Misamis Oriental ay una nang isinailalim ng pamahalaan sa ECQ mula Hulyo 16 hanggang Agosto 7.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Dr. Althea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng DOH, na sa ngayon ang 42% ng COVID-19 cases sa bansa ay Delta variant na.
Ito ay malaking pagtaas aniya kumpara sa 6% lamang noong Hunyo.
Mary Ann Santiago