Isang dating mahiyain at kinukutyang aspiring athlete ang kauna-unahang kakatawan sa Philippine taekwondo sa darating na Tokyo Paralympics.

Hindi naging madali ang tinahak na landas ni Allain Ganapin bago ang inaasam na approval ng World Taekwondo federation sa kanyang bipartite application.

Laking Marikina, bata pa lamang si Allain ay namulat na siya sa mapanghusgang mundo dahil sa kanyang kapansanan. Pagsasalaysay ni Allain sa isang sports website, tampulan na siya noon ng tukso ng ilang mga bata sa kanilang lugar.

Sa katunayan, una nang nabigo ang batang atleta sa kanyang paglalaro ng basketball. Dahil sa matinding pangungutyang natanggap sa mismong nakakalaro ni Allain, natigil pansamantala ang pangarap nito sa larangan ng sports.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Mula pagkabata, putol na ang kanang braso ni Allain dahil sa isang congenital disorder. Sa kabila nito, hindi natinag si Allain at patuloy na tinahak ang mundo ng palakasan.

Isang physical education class ang nagbukas ng bagong oportunidad para sa batang atleta, ang mundo ng taekwondo.

Dahil likas na mahiyain si Allain, muntik na rin nitong palampasin ang pagkakataon at tanggihan ang alok ng isang kaibigan. Kalauna’y nakitaan ng malaking potensyal ang batang Marikina para maging kauna-unahang para-taekwondo athlete.

Mula noon, naging puspusan na ang pag-eensayo ni Allain. Ang natuklasang mundo ng atleta ang muling nagpaalab sa puso ng noo’y lugmok na Allain.

Sa unang mga taon ni Allain, lumaban ang atleta sa mga jins na walang kapansanan. Kadalasan pang makatatanggap ng papuri si Allaine sa mga kalaban pagkatapos ng laro. Dahil dito, naging mas kumpiyansa ang atleta sa mga sumunod na laban nito.

Nang maging parte ng kupunan ng Philippine taekwondo, lalong namayagpag si Allain at nakapag-uwi ng ilang medalya sa bansa.

Parehong bronze medals ang binigay ni Allain sa Pilipinas noong lumahok siya sa Oceania Taekwondo Open nitong 2017 at sa Asian Paralympic qualifier ngayong taon sa Amman Jordan.

Bigo man sa naging qualifying round, napansin pa rin sa kalidad ng atleta ang pagnanais nitong makatungtong sa Paralympics. Bilang resulta, siya ang kauna-unahang Pilipino na sasabak sa magbubukas na Tokyo Paralympics taekwondo competitions.

Buo ang loob ng atleta na maiuuwi ang medalya para sa Pilipinas. Dagdag pa ni Allaine, naging malaking bahagi ang taekwondo sa pagyakap niya sa kanyang sarili bilang isang para-athlete.

Kung noon ay itinatago ni Allaine ang kanyang kapansanan, ngayon ay tuwid at taas noo na niyang ipinagmamalaki ang sarili lalo pa’t isa na siyang kinatawan ng bansa sa pandaigdigang entablado.

Nais ng para-atleta na magbukas ng oportunidad at mahikayat ang kagaya niyang may kapansanan na tahakin ang mundo ng sports.

Lalaban si Allain sa men’s 75-kilogram class, sa kategoryang K44 o ang mga kalahok ay may kapansanan ang isang braso.

Nakatakdang magsimula ang Tokyo Paralympics ngayong Agosto 24.