Hiniling ni Senador Leila de Lima sa Kongreso na imbestigahan ang pag-award ng Commission on Elections (Comelec) ng logistic contract sa F2 Logistics Philippines para sa eleksyon sa Mayo 2022.
Ang F2 Logistics Philippines ay isangnegosyong kontrolado ni Dennis Uy, kilalang malapit na kaibigan at campaign donor ni Pangulong Duterte.
Sa paglagakni de Lima ng Senate Resolution No. 855, mahalaga umano na masigurong patas, malinis, at walang dayaan ang mangyayari sa Halalan 2022 kaya’t dapat na diskwalipikahin ang mga suppliers na may kaugnayan sa mga political parties at mga potensyal na mga kandidato.
Dineklara ng COMELEC ang special bids and committee (SBAC) sa F2 Logistics Philippines Inc, bilang nanalong bidder noong Hulyo 27, na may pinakamababang bid sa halagang P1.61 bilyon para sa pagbili at paghatid ng mga election equipment, forms, supplies, paraphernalia at warehousing sa gaganaping Halalan 2022.
Tinalo ng F2 sa bidding ang tatlong iba pang firm na kwalipikado mula sa walong nagsumite ng mga aplikasyon. Inaasahan na maghahatid ng mga kagamitan ang F2 sa Halalan 2022 kasunod ng pagkapanalo nito sa bidding.
Para kay de Lima, dapat na magkaroon ng imbestigasyon ang Senado para masuri kung compliant ba ang kontrata sa probisyon ng Government Procurement Reform Act at ilan pang mga batas.
Giit pa ng senador, si Uy ang naiulat na chairman ng F2 Logistics Philippines mula taong 2006.
Hannah Torregoza