Ginugunita ngayong araw, Agosto 21, ang ika-38 anibersayo ng pagkamatay ni dating Senador Benigno Simeon “Ninoy” Aquino Jr. Sa paglipas ng panahon, hindi maikakailang naging malaking bahagi ang pangalan ni Aquino sa kasaysayan ng politika at demokasya sa Pilipinas.

Halos apat na dekada matapos ang makasaysayang asasinasyon, ang kasikatan ng ngalan ni Ninoy ay nanatiling sariwa sa marami kung kaya’t ang katumbas nito’y atensyon mula sa kasalukuyang politika at maging ng midya.

Muli nating balikan ang naging buhay, ilang popular na kuwento at usapin tungkol kay Ninoy—ang gumising sa diwa ng demokrasya sa panahon ng isang diktadurya.

Naging pinakabatang “foreign correspondent” ng The Manila Times si Ninoy sa edad na 17

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa rekomendasyon ng patnugot ni Ninoy, ayon sa publisher ng The Times na si Joaquin “Chino” Roces, naitalagang maging correspondent ng publikasyon ang batang Ninoy noong panahon ng Korean War. Pagbalik ng bansa mula sa Korea, sinurpresa ng batang Ninoy ang ilang mamamahayag sa pekeng sugat nito sa bibig sa kahihiyang wala raw itong bitbit na magandang istorya.

Larawan mula Presidential Museum and Library

Isang karaniwang estudyante lamang noon ang batang Ninoy

Habang kinilala ng kasaysayan ang maimpluwensya at matapang na mga talumpati ni Ninoy, maituturing na karaniwang mag-aaral lamang noon ang batang Ninoy. Sa katunayan, ang naging marka ni Ninoy San Beda High School ay nasa pagitan lang ng 70-90.

Niligawan ni Ninoy si Imelda “Meldy” Marcos

Bago pa ang tunggalian sa pagitan ni dating Pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at Ninoy Aquino Jr, nauna nang nagkaroon ng ugnayan ang noo’y laking probinsya at binansagang “Rose of Tacloban” na si Imelda “Meldy’ Marcos at Ninoy.

Ayon sa mga historyador, bilang malayong kamag-anak ng mga Aquino, madalas nang bumibisita si Ninoy sa mga Romualdez. Sa mga pagtitipon ng kanilang mga pamilya, madalas pang magkapares ang batang Ninoy at Imelda sa pagsisilbi ng ilang inumin sa mga panauhin.

Bilang isa sa mga sikat na binata sa kanyang panahon, naging escort din ang batang Ninoy sa ilang beauty queens kaya’t kalauna’y naging malapit ito kay Imelda pagkatapos maitanghal bilang Miss Manila noong 1953.

Ang muling pagtatagpo ni Cory at Ninoy

Kasunod ng pagbabalik sa Pilipinas ni Maria Corazon “Cory” Cojuangco Aquino matapos ito mag-aral sa Amerika, nagtagpo ang landas ng magkababatang si Cory at Ninoy. Sa huli, pinili ni Ninoy si Cory at nauwi ang dalawa sa kasalan noong Oktubre 11, 1954.

Si Ninoy ang naging susi sa pagsuko ni Luis Taruc

Tumagal ng halos apat na buwan ang naging negosasyon sa panig ni Huk Supremo Luis Taruc at ng pamahalaan sa pamamagitan ni Ninoy Aquino. Sa pagsuko ni Taruc, pinarangalan si Ninoy ng kanyang pangalawang Philippine Legion of Honor.

Nauna nang binanggit ni Ninoy ang plano ni Marcos apat na taon bago ang deklarasyon ng Martial Law

Noong 1968, kinundena na agad ni Ninoy ang binansagang “garrison state” ni Marcos sa pagtaas ng pondo para sa armed forces at pagmimitarisa sa mga opisina ng sibilyan.

Taong 1972, nagkatotoo ang prediksyon ni Ninoy at idineklara ni Marcos ang martial law; isa si Ninoy sa mga pinakaunang dinakip at ikinulong ng militar.

Ayon sa anak na si Kris, halos sumuko na rin ang ama sa laban nito kay Marcos

Sa kasaysayan, kilala si Ninoy bilang isang matatag na bayani ng demokasya. Sa pagbubulgar ng kanyang anak na si Kris Aquino, habang nakakulong ang ama noon, muntik na rin itong sumuko. Halos sumang-ayon na noon si Ninoy na pumirma ng ilang dokumentong nagsasaad na siya’y guilty sa mga gawa-gawang kaso ng rehimen laban sa kanya.

Isa nga ba sa mga organizers ng CPP-NPA at MNLF si Ninoy Aquino?

Habang naglipana ang mga artikulo na nagsasabing isa umano sa mga organizers si Ninoy ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang armed wing nitong New People’s Army (NPA) at ng Moro National Liberation Front (MNLF), wala pa ring matibay na ebidensya ang magpapatunay sa mga akusasyon.

Ayon sa Stanford Center for International Security and Cooperation (CISAC), si Nur Misuari ang founding chairman ng MNLF habang nauna nang itinanggi ng founder ng CPPA-NPA na si Jose Maria Sison na sangkot umano si Ninoy sa pagkatatag ng party.

Sa inilathalang Brief Review of History ng CPP-NPA noong 1988, hindi rin kasama ang pangalan ni Ninoy sa hanay ng mga nagtatag nito.

Kung naging pangulo si Ninoy, maaaring nagdeklara rin ito ng martial law

Sa isang panayam noong 1972, inamin ni Ninoy na suportado niya ang martial law. Ayon pa sa kanya, ito lang ang tanging paraan para mabigyang solusyon ang kinahaharap na problema sa lipunan at pondo na dala ng patronage politics, rebelyon at oligarkiya. Dagdag pa ni Ninoy, kung siya’y naging pangulo, personal din daw na hihingin nito sa kanyang asawang si Cory Aquino na maipamahagi ang Hacienda Luisita.

Gumamit ng alyas si Ninoy para makabalik sa Pilipinas

Marcial Bonifacio ang naging ngalan ng passport ni Ninoy sa pagbabalik nito sa bansa. Kumatawan sa martial law ang “Marcial” habang lugar sa kanyang piitan ang naging representasyon ng “Bonifacio.” Matapos malaman na maaaring hindi kilalanin ang pagbabalik ni Ninoy, ang kanyang alyas ang naging susi para muli siyang makapasok sa Pilipinas.

Hindi na lingid ang kinahantungan ni Ninoy Aquino Jr bago pa man ito makaapak sa tarmac ng Manila International Airport. Ang asasinasyon kay Ninoy ang bumuhay sa demokasya sa Pilipinas at tumapos sa 21 taong paghahari ng rehimeng Marcos sa Pilipinas.