Lumantad na ang kontrobersyal na si dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao at pumalag sa alegasyong sangkot umano ito sa overpriced na face mask at face shields na binili nitong nakaraang taon sa ngalan ng Department of Health (DOH).
Depensa ni Lao, hindi nagkaroon ng overprice at sa halip ay sinabi nito na pinaka-mura na umano ang binili ng DBM-Procurement Service na face mask na ₱27 kada piraso at face shields na₱120 isa nang isagawa ang transaksyon.
"When you look at it, 'pag sinabi mong mahal 'yung₱27, yes mahal yan. Pero during that time that was one of the cheapest," paglilinaw ni Lao nang dumalo ito sa isang pulong balitaan.
Dalawang buwan na ang nakararaan nang magbitiw si Lao sa posisyon kung saan pinamunuan nito ang DBM-PS.
Nilinaw nito, inalok umano ng bidder ang items sa nasabing halaga na pinaka-mababana umano nang isagawa ang transaksyon.
“Paunahan ang pagbili during that time. Kung hindi ka makabili, people will bash you and say, ‘Ano bang ginagawa mo?’ Kapag nakabili ka, ang sasabihin, ‘Bakit yan ang binili mo?,” katwiran ni Lao.
Matatandaang nabisto ng Commission on Audit (COA) ang nabanggit na kuwestiyunableng transaksyon ng DBM-PS na isinagawa noong Abril at Mayo ng nakaraang taon nang magsagawa ito ng audit sa mga ginastos ng ahensya para sa labanan ang pandemya.