Handang-handa na sina Filipino boxing icon Manny Pacquiao at Cuban Yordenis Ugas sa kanilang pagtutuos para sa WBA welterweight title sa T-Mobile Arena, Las Vegas sa Agosto 22, Linggo (Philippine time).
Parehas na pasok sa welterweight limit na 47 pounds ang dalawa sa ginawang official weigh-in nitong Sabado ng umaga sa MGM Grand.
Tumimbang ang 35-anyos na si Ugas, ang defending champion ng eksaktong 147 pounds habang tumimbang naman ang 42-anyos na Filipino boxing legend ng 146 pounds.
"I'm very emotional and very excited for this opportunity," pahayag ni Ugas (26-4, 12 KOs). "I have the belt. Whoever wins tomorrow gets the belt. But right now, I'm the champion," pagdidiin ni Ugas.
'I'm not taking this fight lightly. Of course I don't want to be over-confident for this fight," wika naman ni Pacquiao (62-7-2, 39 KOs).
Sa isa sa mga undercards, pasok din ang undefeated Filipino boxer na si Mark Magsayo sa itinakdang timbang sa kanyang featherweight bout kontra kay Mexican Julio Ceja.
Ang 26-anyos na si Magsayo ay tumimbang ng 125.5 lbs para sa 12-round bout na isang title eliminator para alamin kung sino ang makakatunggali ni reigning WBC champion Gary Russell.
Ang tubong Tagbilaran, Bohol na si Magsayo ay may perpektong 22-0 record na kinabibilangan ng 15 KOs.
Tumimbang naman ang 28-anyos na si Ceja ng 125 lbs.Ang Mexican (32-4-1, 28 KOs) ay tatlong beses ng lumaban para sa world championship belt, gayunman, hindi nanalo.
Lalaban din sa undercard ang Filipino American boxer na si John Dato na mayroon ding undefeated record kontra sa Mexican Angel Contreras sa isang featherweight bout sa loob ng walong rounds
Ang 28-anyos na si Dato na isinilang sa Bangar, La Union, gayunman, lumaki sa California ay may 14-0-1 record kabilang ang 9 KOs, habang si Contreras ay may rekord na 10-4-2 na may 6 na KOs.
Marivic Awitan