9 pagkakataon sa kasaysayan na naging kanlungan ng 'asylum seekers' ang Pilipinas
Nang pumutok ang balitang paglusob ng mga Taliban sa Afghanistan, maraming bansa ang nagpaabot ng tulong sa mga taong nais umalis ng kanilang bansa at handa umanong tumanggap ng refugee o "asylum seeker."
Isa na rito ang Pilipinas.
Noong Agosto 17, 2021, inanusyo ng Palasyo ng Malacañang na handa ang Pilipinas na tumanggap ng mga “asylum seeker” mula sa bansang Afghanistan kasunod ng pagbagsak ng gobyerno nito.
Kung babalikan ang kasaysayan, may siyam na pangyayari na kung saan ay nagkaroon ng malawakang pagtanggap ang bansang Pilipinas sa mga refugees.
1. Oktubre taong 1922, mayroong 23 barko lulan ang mga "White Russians" na naghahanap ng bansang kukupkop sa kanila upang makaligtas sa kamatayan sa kamay ng “Red Russians” o mga sumusuporta sa Socialist Revolution noong 1917.
Dalawang daungan ang nagbukas para sa 23 barko: ang daungan sa Shanghai, China at Manila, Philippines.
Tumanggap ang bansa ng 800 na White Russian.
Makalipas ang ilang taon, 526 sa 800 refugees ang tinanggap sa San Francisco, U.S. Ang iba nama'y tumungo ng Australia. Samantala, 250 naman sa kanila ay nanirahan sa Mindanao upang magtrabaho sa isang abaca plantation.
2. Sa ilalim ng pamamalakad ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, mayroong 1200 na Hudyo mula sa Europe ang lumipad sa Pilipinas noong 1934 para makatakas sa posibleng kamatayan o "Nazi persecution" noong naganap ang World War II.
Taong 1940 naman nang maglabas si Pangulong Manuel Quezon ng Proclamation No. 173 na kung saan sinuportahan nito ang pagtanggap ng aabot sa 30,000 Jewish refugees.
Nagpatuloy ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga refugees sa pamamagitan ng Commonwealth Act 613, na kalauna'y naging Philippine Immigration Act ng 1940. Samantala, tumulong naman ang magkakapatid na Frieder, mula sa Jewish community in the Philippines, upang makalikom ng perang pang-suporta sa mga refugees.
3. Taong 1936 hanggang 1939, 500,000 Spanish Republicans kasama ng kanilang mga pamilya ang lumipat patungong Pranses at Hilagang Africa para makaligtas na posibleng kamatayang kaharapin. Noong una'y nahirapan ang mga refugees na kumuha ng visa ngunit kalauna'y nagbukas ang ilang bansa para sa kanila. Kabilang na rito ang Mexico, Dominican Republic, at ang Pilipinas.
4. Malugod na tinanggap ng Pilipinas noong 1940 ang 30,000 Kuomintang members mula sa bansang Tsina matapos ang Chinese Civil War.
Kasabay na taon, isinabatas ng Kongreso ang Philippine Immigration Act of 1940, na kung saan ay nililimitahan ang pagtanggap sa mga imigrante sa 500 kada taon. Subalit, may karapatan pa rin ang presidente na tumanggap ng refugees ayon sa usaping panrelihiyon, politikal, at panlahi.
5. Sa pamamalakad ni dating Pangulo Elpidio Quirino, 6,000 White Russians ang tinanggap sa bansa. Ang mga White Russians na ito ay tumakas mula sa Komunistang pamamalakad ng China. Taong 1949 hanggang 1953, at dinala ang mga refugees sa Tubabao Island, Guiuan, Eastern Samar. Matapos ng ilang taong pamamalagi sa bansa, ang ilang refugees ay nanatili sa mga bansang Australia, US, Brazil, Dominican Republic, France, at Belgium.
6. Mula sa taong 1975 hanggang 1992, dumaong ang mga Vietnamese o "boat people" na tumakas mula sa Vietnam War. Ang ilang refugees ay napadpad sa Bataan. Samantala, ang 2,700 refugees naman ay tinanggap sa Ulugan Bay at Tara Island, Palawan. Pagkalipas ng ilang taon, ang ilang refugees ay lumipad patungong Canada ngunit ang iba naman ay nagdesisyong manatili sa bansa.
7. Iranian Revolution ang nagtulak sa ilang Iranian na nag-aaral at nagta-trabaho sa bansa na manatili na lamang dito kaysa makipag-sapalaran na bumalik sa kanilang bansa noong 1970. Ang ilang Iranian ay nanatili sa kalinga ng mga Pilipinong Muslim. Samantala, ang iba naman ay nag-asawa ng Pilipino at humiling ng Philippine citizenship.
8. Binuksan ang Philippine Refugee Processing Center sa Morong, Bataan para tanggapin ang mga refugees mula sa mga bansang Laos, Cambodia, at Vietnam matapos magkaroon ng pagbabago ng rehimen sa mga bansang ito.
Sa loob ng 14 na taon (1980-1994), 400,000 ang Indo-Chinese refugees ang nagpakupkop sa Pilipinas. Kalaunan, ang iba rito ay inilipat sa mga bansang US, Canada, France, at Australia.
9. Taong 2000, 600 refugees mula sa bansang East Timor ang lumipad patungo sa bansa habang ang kanilang bansa ay sinasakop ng Indonesia. Sa tulong ng Simbahang Katoliko at kooperasyon ni dating Pangulong Estrada, nakalikom sila ng 200,000, na siya namang sinuporta sa mga East Timorese. Samantala, nang naging maayos na ang sitwasyon, bumalik rin ang mga East Timorese sa kanilang bansa.
Ang pagtanggap sa mga 'asylum seekers' ay may legal na basehan kaya naman handa ang bansa para magbigay kalinga sa mga ito.