BENGUET - Makalipas ang tatlong araw ay magkasunod na narekober ang labi ng maglive-in partner na kapwa minero na natabunan ng gumuhong bahagi ng bundok sa Antamok River, Loacan sa Itogon, kamakailan.
Sinabi ni Regional Information Officer Capt. Marnie Abellanida ng Police Regional Office-Cordillera, unang nahukay ang labi ni Nestor Talangcag,54, nitong Huwebes, Agosto 19, dakong 2:20 ng hapon.
Kinabukasan, narekober naman ang bangkay ni Morino Simeon Lintan, 57, taga-Beda, Loacan, Itogon.
Ayon kay Abellanida, naging pahirapan ang paghahanap sa dalawa dahil sa kapal ng lupang tumabon sa kanila at natitigil pa dulot ng malakas na ulan.
Matatandaang nagsasagawa ng gold panning sa ilog ang dalawa, kasama ang kanilang anak na lalaki nang gumuho ang bahagi ng bundok.
Nakaligtas ang kanilang anak na nakatakbo mula sa pinangyarihan ng insidente, ayon sa pulisya.
Zaldy Comanda