Sa patuloy na pananaliksik ng mga eksperto, tila hindi pa rin ganap na buo maging sa kasalukuyang panahon ang tunay na imahe ng human evolution. Nananatili pa ring malaking misteryo ang ilang detalye, kabilang na ang mga bagong-tuklas na lugar kung saan hindi inaasahang madatnan ang mga bakas ng pinakaunang tao sa mundo.

Sa inilathalang pananaliksik sa Current Biology journal nitong Agosto 12, malaking rebelasyon ang natuklasan ng pag-aaral sa naging paglalakbay ng mga Denisovans sa Asya. Ang Denisovans ang pinakabagong pangkat ng mga sinaunang tao na dumagdag sa family tree ng human evolution.

Pagbubunyag ng 40 na may akda ng journal, bago pa dumating ang mga Negritos o ang modern humans o homo sapiens sa ilang isla sa Pilipinas, nanirahan na ang mga Denisovans sa bansa, bumuo ng pamilya ang dalawang sinaunang pangkat dahilan para magkaroon ng bakas ng genome ng Denisovans sa kasalukuyang populasyon ng Ayta Magbukon.

Ayon sa pananaliksik, sa 118 pangkat etniko ng Pilipinas, kabilang na ang 25 na populasyon ng mga Negritos at ilang high-coverage Australia Papuan, tanging Ayta Magbukon lang ang may pinakamataas na lebel ng Denisovan ancestry sa buong mundo o 30%-40% higit na mataas kaysa sa Australians at Papuans. Dagdag pa ng pagsusuri, ang genes ng Ayta Magbukon ay “consistent” pagdating sa “independent admixture event” o “interbred” ng mga Negritos mula Denisovans.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sa kasalukuyang panahon, batay sa datos ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), okupado ng Ayta Magbukon ang Bataan Peninsula. Napanatili ng pangkat ang kanilang sinaunang kalupaan at nananatiling namumuhay sa ilang makabagong populasyon sa lugar.

Sino nga ba ang mga Denisovans at ano ang gampanin nito sa human evolution?

Una lang umusbong o nakilala ng mga siyentista ang pangkat ng Denisovans taong 2010 nang matagpuan sa Denisovan cave sa bansang Siberia ang isang buto ng pinaniniwalaang 5-7 taong gulang na batang babae, bagamat “genetically silimar” sa modern humans at Neanderthals, “distinct” na maituturing bilang bagong human species.

Mula sa paglitaw nito, pinaniniwalaang naglakbay ang mga Denisovans mula Siberia hanggang sa timog-silangang bahagi ng Asya noong Ice Age.

Tinatayang 300,000 hanggang 400,000 taon na ang nakalipas nang lisanin ng isang pangkat ng mga sinaunang tao ang Africa. Sa pag-aaral ng mga eksperto, ang grupo ay tinukoy na Homo heidelbergensis, na kalauna’y kinikilala bilang sinaunang ninuno Denisovans, modern humans at ng Neanderthals.

Sa paglalakbay ng Homo heidelbergensis, lumawak ang kanilang bakas sa Eurosia. Ang pangkat na namuhay sa kanlurang bahagi o ang Europa ang naging Neandertals habang ang mga nagtungo sa silangan o ang Asya ay naging Denisovans. Pinaniniwalaang unang nagtagpo ang modern humans at Denisovans 40,000 hanggang 60,000 taon na ang nakalilipas.

Gaano kahalaga ang Ayta Magbukon sa bagong-tuklas na bakas ng Denisovans sa Asya?

Higit 3,000 milya o 4,828 kilometro mula sa Siberia, isang malaking misteryo sa sangkatauhan ang unti-unting natutuklasan sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin malinaw kung kailan nagbago ang Denisovans o kailan ito tuluyang naging extinct sa mundo. Ang malinaw pa lang, batay sa ilang ebidensya ng DNA, ang sinaunang pangkat ay nanirahan sa Asya hindi bababa 80,000 taon na ang nakararaan.

Sa pagkatuklas ng pinakamataas na Denisovans ancestry sa isang pangkat-etniko sa Pilipinas, maitutuon ang ilang pag-aaral sa bansa tungkol sa ilan pang mga nananatiling misteryo sa likod ng tunay na imahe ng human evolution.

Una nang lumitaw sa hilagang bahagi ng Luzon noong 2019 ang ilang pang pinaniniwalaang buto ng sinaunang tao. Kalauna’y tinawag itong Homo luzonensis na pinaniniwalaang namuhay 50,000 taon na ang nakalilipas.

Isang malaking tagumpay sa hanay ng mga siyentista ang naging tuklas na ito sa Pilipinas matapos ang mga naunang pag-aaral kung saan lumabas na mababa ang lebel ng Denisovan ancestry sa silangang bahagi ng Asya.

Matibay na ebidensya ang bagong natuklasan na pag-aaral para suportahan na tunay ngang nanirahan sa Asya ang mga Denisovans at matagal nanatili ang pangkat sa Pilipinas bago pa dumating ang mga Homo sapiens.

Sa ngayon, malaki ang posibilidad na ilang bansa sa Asya, kagaya ng Pilipinas at Indonesia kung saan namataan kamakailan ang ilang artifacts ng archaic humans, ang bubuo sa ilan pang misteryo at palaisipan ukol sa tunay na imahe ng human evolution.