Nanawagan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa pamahalaan na bigyan ng due process ang sinumang opisyal ng gobyerno bago suspendihin sa posisyon.

Reaksyon ito ni Duque sa hirit ni Senator Grace Poe nitong Huwebes na "dapat nang suspendihin ang opisyal dahil sa pagsita ng Commission on Audit (COA) sa DOH kaugnay ng hindi tamang paggastos sa pondo ng ahensya."

“Kung sususpendihan ka, may proseso iyan. May imbestigasyon, titingnan… kung may basis, kung may complaint. May proseso, may due process,” giit ng kalihim sa isang television interview.

Gayunman, nangako si Duque na lulutasin nila ang usapin kaugnay ng report ng COA.

National

‘Naka-red alert!’ PSC, dinoble seguridad ni PBBM matapos ‘assassination threat’ ni VP Sara

“Tandaan natin na naglabas ng clarificatory statement ang COA na wala naman audit finding na nagpapakita na may nawalang pondo sa katiwalian at korapsyon.Hinihingi lang nila ang mga dokumento na ibibigay naman ng DOH and its implementing operations unit. In fact, (we have been) given 60 days to do all of these,” anito.

Binigyang-diin pa nito na tinangka na niyang magbitiw sa puwesto, gayunman, tinanggihan umano ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, pahabol pa ni Duque.

Nalagay sa balag ng alanganin si Duque nang kuwestiyunin ito ng COA sa bilyun-bilyong gastos nito upang labanan ang COVID-19 pandemic.

Analou de Vera