Kung ang organizers ng 31st Southeast Asian Games ang tatanungin, nais nilang sa Hulyo na ng taong 2022 ganapin ang biennial meet sa gitna ng katotohanang patuloy pa ring binabayo ang rehiyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ulat ng isang lokal online news portal sa Vietnam na TTR Weekly, sinabi na ng Hanoi SEA Games Organizing Committee sa mga miyembro ng SEA Games Federation Council ang kagustuhan nila na idaos ang biennial meet sa Hulyo 2022.

Ginawa nila ang pagpapadala ng mensahe noong Hulyo 31 sa kasagsagan ng Tokyo Olympics kung kaya hindi pa ito natatalakay ng 11-nation Council.

“The country’s Olympic Committee sent an email on 31 July to ASEAN member countries that participate in the games and also to Timor Leste and to the SEA Games Council based in Bangkok proposing that the games should be moved to July next year,” ayon sa online news.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Gayunman, inaasahan na mahihirapan silang makuha ang suporta ng karamihan sa mga bansang kasapi ng SEAG Federation partikular na ang Singapore at Malaysia.

Inaasahang lalahok ang dalawang bansa sa 2022 Commonwealth Games na idaraos sa Hulyo 28 hanggang Agosto 8 sa Birmingham.

Naiulat na pinaghahandaan nang husto ng Commonwealth Games ng Singapore at Malaysia dahil dito ay may pagkakataon silang masukat ang kanilang mga atleta kontra sa mga de kalidad at malalakas na koponan buhat sa malalaking bansa na gaya ng Australia, Great Britain, New Zealand, India at South Africa.

Maliban dito, nakatakda ring idaos sa susunod na taon ang Winter Olympic Games at Asian Games sa China at ang Asian Indoor and Martial Arts Games sa Thailand kung kaya maaaring magkapatung-patong ang schedule ng mga events kaya mahihirapan ang Vietnam sa pagsusulong na maidaos ang SEA Games sa Hulyo ng susunod na taon.

“The consensus is that we should hold the SEA Games around late March to early April,” pahayag ni Philippine Olympic Committee chairman Steve Hontiveros.

“Holding it in July will coincide with other events that were already scheduled long before. It’s going to be really hard if we push it through in the middle of the year,” dagdag pa nito.

Napagkasunduang i-postpone ang dapat na pagdaraos ng 31st SEA Games sa darating na Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 nang tumaas ang kaso ng coronavirus sa Vietnam, kabilang na sa kanilang kapitolyo sa lungsod ng Hanoi.

Dahil dito, pansamantalang ginawang ospital ang kanilang mga sports facilities, partikular sa mga lalawigan ng Bac Ninh at Bac Giang kung saan may mga nakatakdang mga mahahalagang SEA Games events, para magamit ng mga tinamaan ng virus.

Marivic Awitan