Napili ang bagong Clark International Airport Terminal building bilang isa sa anim na paliparan sa buong mundo na lalaban sa prestihiyosong Prix Versailles 2021 World Architecture and Design Award Finale.
Makakatunggali ng Clark International Airport ang mga world-class airport sa buong mundo, kagaya ng Berlin Brandenburg Airport Willy Brandt sa Germany, Athens International Airport (South Wing) sa Greece, Hazrat Sultan International Airport sa Kazakhstan, New Plymouth Airport sa New Zealand at LaGuardia Airport Terminal B sa Amerika.
Tanging ang Clark International Airport lamang ang nakapasok sa Prix Versailles 2021 sa buong Southeast Asia.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakapasok ang Pilipinas sa listahan ng Prix Versailles.
Iaanunsyo ang mga mananalosa UNESCO Headquarters sa Paris, France sa Disyembre.
Ang taunang Prix Versailles awards ay binuong French-based World Prix Versailles Organization noong 2015 upang isulong ang mahusay na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng kultura at ekonomiya.
Matatandaan na ang bagong Clark International Airport sa Pampanga ay isa sa mga proyektong saklaw ng Build, Build, Build Program.