Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng may 14,895 bagong kaso ng COVID-19 nitong Huwebes, kaya umakyat na sa mahigit 111,000 ang aktibong kaso ng virus sa bansa.

Sa case bulletin No. 523, dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 1,791,003 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, 6.2% pa o 111,720 ang kabuuang bilang ng aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa active cases, 95.3% ang mild cases, 1.8% ang asymptomatic, 1.3% ang severe, 0.87% ang moderate at 0.7% ang kritikal.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Samantala, nakapagtala rin naman ang DOH ng 8,248 pang pasyente na gumaling sa karamdaman sanhi upang umakyat na sa 1,648,402 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 92.0% ng total cases.

Mayroon rin namang 258 pang mga pasyente ang binawian ng buhay dahil sa karamdaman.

Sa kabuuan, mayroon nang 30,881 ang kabuuang COVID-19 deaths sa bansa o 1.72% ng total cases.

“Sa patuloy na pagtaas ng kaso, pinaalalahananpo natin ang lahat na patuloy na sumunod sa minimum public health standards. Kapag naman nakaranas ng mga sintomas ay agad na mag-isolate at kontakin ang inyong Barangay Health Emergency Response Teams,” dagdag pa ng DOH.

Mary Ann Santiago