Inatasan ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na unahin ang paglabas ng mga benepisyo ng mga frontliners sa bansa kung mayroong sapat na pera ang gobyerno.
Sa kanyang televised address nitong Lunes, Agosto 16, sinabi ni Duterte kay Duque, na huwag pansinin ang Commission on Audit (COA), bayaran na lamang nito ang mga insentibo ng mga health workers at magpatuloy sa pagbili ng mga gamot na kinakailangan sa pagtugon sa pandemya.
“By the way, itong frontliners unahin mo na lang. If there is enough money, bayaran mo,” ani Duterte.
“Tsaka ‘yung mga medisina ulit utangin mo. Huwag mong sundin ‘yang COA. P***** i** ‘yang COA-COA na ‘yan. Wala namang mangyari diyan,” dagdag pa niya.
Matatandaan na nagreklamo ang ilang mga grupo ng mga health workers mula sa pampubliko at pribadong ospital sa pagkaantala sa paglabas ng kanilang allowance at pagtanggal umano ng ilang mga benepisyo katulad ng meal, transportation at accommodation allowance.
Naulat na nagbanta umano ang Alliance of Health Workers na magsasagawa sila ng malawakang protesta dahil sa kabiguan umano ng gobyerno na pakinggan ang kanilang mga hinaing para sa mga benepisyo dahil sa pagiging "overworked" ng mga health professionals.
Genalyn Kabiling