Suportado pa rin ng mga kawani ng Department of Health (DOH) si Health Secretary Francisco Duque III, ayon kay DOH Undersecretary Leopoldo Vega, nitong Martes, Agosto 17.
Ginawa ni Vega ang pahayag sa gitna ng panawagang magbitiw sa posisyon si Duque matapos maglabas ng ulat ang Commission on Audit (COA) sa umano’y deficiencies ng DOH ukol sa P67 billion COVID-19 funds.
“Yes, Secretary Duque has a solid support. Basically, he is a man of integrity and the President really relies on him.” ani Vega sa kanyang panayam sa CNN Philippines.
Sa public address nitong Lunes ng gabi, Agosto 16, dinepensahan ni Pangulong Duterte si Duque, sinasabing wala siyang ginawang mali.
Dalawang beses na aniyang nagtangkang magbitiw sa puwesto si Duque.
“Alam ko gusto mo nang mag-resign, pero alam mo rin na tatanggihan kita ngayon,” ani Duterte kay Duque.
“Noon, you have attempted to resign twice. I expect you to say something to me after this, mag-resign ka. Sabihin ko sa iyo, hindi. Wala ka namang ginawang masama,” dagdag pa niya.
Analou de Vera