Marami ang kumutya at marami pa ang maninira sa Build, Build, Build. Sasabihin nilang hindi tayo nagtagumpay, wala tayong nagawa, hindi ito nakakain, at hindi dapat ito inuna.

Noong 2016—hindi sila naniwala na kaya. Tinawag nila tayong BBB—bolero, bobo, at bata. Wala raw tayong sapat na manggagawa.

Ang hindi nila alam, walang imposible, pag tayo ay nagsama-sama. Higit 6M Pilipino ang nagkaisa para, sa wakas, magamit ng kanilang mga anak ang imprastrakturang ginagawa lamang nila dati sa ibang bansa.

Marami ang umuwi at piniling manilbihan sa Pilipinas. Ang sabi nila — hindi raw pera ang usapan, kung hindi kinabukasan ng kanilang mga pamilya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

2016 pa lamang—ang paalala ni Sec. Mark Villar—'wag matakot mangarap ng matayog para sa ating bansa. Hindi man natin kayang solusyunan lahat—iwan natin ang Pilipinas na mas maganda, mas kaaya-aya.

Wag tayong matakot ipangako ang pagluwag ng Metro Manila. Gawin natin ang lahat ng makakaya upang maibsan ang paghihirap ng mga manggagawa, titser, at estudyante. Banggain natin ang sistemang nagpapahirap sa mga Pilipino.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit matapos ang tatlong dekada — hindi pa rin tapos ang Radial Road 10? Ano nga ba ang dahilan kung bakit apat na taon na mula ng groundbreaking ng Skyway Stage 3, 8 percent pa rin ang accomplishment?

Ngayon, nagagamit na natin silang pareho.

Sa wakas, ang biyahe mula Makati hanggang Quezon City, kung dati dalawang oras, ngayon bente minutos nalang.

Sa wakas, konekatado na ang Manila, Caloocan, Navotas, Valenzuela, at Quezon City. Ang truck, pwede na ring dumaan ng 24/7.

Sa wakas, pwede na baybayin ang pinakahilagang bahagi ng Metro Manila at ang pinaka timog, sa loob ng 30 minutos.

Ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte—ang Build Build Build ay isang oportunidad para baguhin ang buhay ng bawat Pilipino. Ipakita ang pagbabago sa bawat rehiyon, probinsiya, lungsod, at munisipalidad anuman ang kanilang lingwahe o relihiyon. Dapat, sa loob ng anim na taon, maramdaman nilang ginawa ng gobyerno ang lahat para maging mas kumportable ang buhay nila.

Palagi kaming pinapaalalahanan—tapusin ang mga proyekto sa pinakamabilis na panahon at gumawa ng trabaho para sa mas maraming Pilipino.

Ang pangarap natin — mas mahabang oras para sa mga tatay at nanay na makapiling ang kanilang mga anak, kakayanang mamili kung saan gusto manirahan at manilbihan.

Sa Luzon, inilunsad ang Luzon Spine Expressway Network, isang masterplan na naglalayong paikliin ang biyahe mula Ilocos hanggang Bicol. Kung dati 20 oras ang kailangang gugulin, pag natapos ang masterplan—9 oras na lamang ito.

Natapos natin ang 7.3 km Candon City Bypass na nagdurogtong sa Manila, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Abra. Kung dati 40 minutos ang kailangang ilaan mula Sta Lucia sa Ilocos Sur patungo ng Santiago—ngayon 20 minutos na lamang.

Sa Isabela, nagagamit na ng ating mga magsasaka ang 450 m Pigalo Bridge. Hindi na nila kailangang umikot sa 74 km Alicia-Angadanan-San Guillermo-Naguilian Road tuwing uulan.

Bukas na rin ang Boracay Circumferential Road at ang dating coliform level na one million most probable number (MPN) per 100 ML, ngayon 19 to 20 MPN na lamang.

Sa 2022, matatapos na rin ang Cebu Cordova Interlink Bridge, ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas, at ang Leyte Tide Embakment Project, ang magbibigay proteksyon sa ating mga kababayan sakalıng magkaroon ulit ng tsunami.

Sa Mindanao — itinaguyod natin ang 280 km masterplan para sa rehiyon ng Zamboanga Peninsula.Malapit na nating matapos ang Alicia Malangas Road Project, ang Tampilisan - Sandayong Road Project at ang Sindangan - Bayog - Lakewood Highway.

Nagumpisa na rin ang konstruktion sa 3.7 km Panguil Bay Bridge Project—isa sa mga tulay na kasama sa Mega Bridge Masterplan na naglalayong pagdugtungin ang Luzon, Visayas, at Mindanao via land travel.

Sa mga susunod na buwan, magagamit na ng mga Pilipino ang Davao Coastal Highway, ang Cagayan de Oro Coastal Road, ang BGC Ortigas Link Bridge, ang Cavite Laguna Expressway, ang SLEX TR4, ang Tacloban Bypass, ang San Fernando Bypass at ang Central Luzon Link Expressway.

Marami ang nagtatanong — para kanino ba ang Build Build Build?

Ang Build Build Build ay para sa mga nanay at tatay na gustong umuwi ng maaga, para sa mga manggagawang gusto ng oras ng pahinga, para sa mga estudyanteng gusto ng mas mahabang oras para makapag-aral, para sa mga nasalanta ng bagyo na nagnanais ng seguridad, at para sa mga Pilipinong naniniwalang kaya nating iangat ang estado ng buhay ng ating mga kababayan.

ANNA MAE LAMENTILLO