Ipinaubaya ng Palasyo ang imbestigasyon sa nakitang "deficiencies" ng Commission on Audit (COA) sa P67.32 bilyon na pondo ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 response taong 2020.
Nagpahayag si Presidential Spokeman Harry Roque matapos hilingin ni House Speaker Lord Allan Velasco na magkaroon ng COA briefing ukol sa kontrobersiya.
Sa press briefing nitong Lunes, Agosto 16, wala na raw magagawa ang Palasyo dahil tungkulin na ng Kongreso ang maglunsad ng imbestigasyon.
“Wala po tayong magagawa sa desisyon ng Kongreso dahil sila po ay independyenteng sangay ng gobyerno,” sabi ni Roque.
Talaga pong katungkulan at responsibilidad ng Kongreso na magkaroon ng ganyang imbestigasyon,” dagdag ni Roque.
Ayon pa sa tagapagsalita, nakatakdang magpaliwanag si Health Secretary Francisco Duque III sa public address ni Pangulong Duterte sa Agosto 16, kasama ang ilang miyembre ng pandemic task force.
“Asahan po natin na baka po ibigay ng paunang kasagutan ng DOH mamayang gabi sa harap ni Presidente at sa harap ng taumbayan,” sabi ni Roque.
Nitong nakaraang lingo, binanggit ni Roque na “no sacred cow” sa ahensya ng gobyerno sa oras na mapatunayan ang hindi wastong paggasta ng pondo para sa publiko.
Dagdag ni Roque, inatasan na ni Pangulong Duterte ang DOH na magsumite ng “komprehensibo at malinaw” na tugon sa findings ng COA.
Nauna nang nakitaan ng anomalya ng COA ang DOH ukol sa P67.3 bilyong pondo na nakalaan para sa COVID-19 response nakaraang taon.
Argyll Cyrus Geducos