Kinumusta ng batikang news anchor na si Karen Davila si Lyca Gairanod, ang grand champion ng first ever 'The Voice Kids PH," noong 2014.
Sa recent vlog ni Karen nitong Agosto 14, ipinakita niya ang dating bahay at pamumuhay ni Lyca, na laki sa 'pamamasura' sa Tanza, Cavite.
Ayon kay Lyca, maayos naman umano ang kanilang kalagayan at aminado siyang malaki talaga ang pinagbago ng buhay nila simula nang manalo siya sa naturang singing contest, bagama't marami rin umano siyang pinagdaanang pagsubok upang makamit ang uri ng pamumuhay na mayroon siya ngayon.
Ipinakita ni Lyca kay Karen ang aplaya na naging bahagi ng kaniyang pagkabata. Aniya, kahit na medyo kilala na siya, hindi pa rin nila iniwan ang naturang lugar, dahil mahirap umanong iwanan ang isang lugar na malapit na sa kaniyang puso.
Sa katunayan, ibinenta niya umano ang house and lot na napanalunan niya sa The Voice PH at binili na lamang ang isang bahay sa kanilang lugar, dahil ayaw umanong umalis ng kaniyang nanay sa luma nilang bahay-kubo.
Kung tatanawin umano ni Lyca ang buhay niya bago ang The Voice PH, masasabi niyang napakahirap nito. Isang mangingisda ang kaniyang tatay at suma-sideline sa pangangalakal ng basura, na nakalakihan naman ni Lyca.
"Kahit umuulan po o mainit, nangangalakal po kami. Pero masaya na rin po kasi nagiging bonding na naming magkakapamilya," ani Lyca.
Nagtiwala na lamang sa Diyos si Lyca, na maaabot din niya ang kaniyang mga pangarap. Mas lalo umano siyang naging matapang na harapin ang mga hamon ng buhay, habang siya ay nagkakaedad.
Hinggil naman umano sa bashers, hindi na lamang umano niya pinapansin ang mga ito; bagkus, ginagamit niya na lamang ang mga komento nila upang mapaunlad ang kaniyang sarili.
Malaki naman ang utang na loob niya sa kaniyang coach na si Sarah Geronimo na siyang pumili at nagtiwala sa kaniya.
"Sobrang saya po niya kasama… ang dami ko pong natutuhan sa kaniya, ang dami niya pong lessons na ibinigay sa akin. Lagi raw po akong magte-thank kay God saka huwag ko raw pong pababayaan ang family ko, and ipagpatuloy ko lang kung anong mayroon ako," saad pa niya.
Noong sumali umano siya sa The Voice, hindi naman umano niya hinangad na manalo. Sapat na raw sa kaniya na naipakita sa buong mundo kung anuman ang angking-talentong mayroon siya.
Thankful din siya sa katunggali noong si Darren Espanto dahil ito pa mismo ang nangampanya para iboto si Lyca sa text votes, dahil mas kailangan umano ni Lyca ng house and lot.
Hindi naman naiinsecure si Lyca na mas umusbong ang showbiz career ni Darren kaysa sa kaniya. Hindi umano ito isyu sa kaniya; sa katunayan, proud na proud pa nga siya sa mga naging achievement nito.
Sa ngayon, nakabili na si Lyca ng sarili niyang kotse mula sa kaniyang mga naipon. Balak din umano niyang tapusin ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.
Samantala, naging viral naman sa netizens ang gulat na gulat na reaksyon nina Lyca at Karen nang malaman nila na pareho sila ng birthday, na Nobyembre 11. Parehol silang Scorpion. Ayon kay Karen, isang pambihirang pagkakataon na magtatagpo ang dalawang tao sa isang interview na may magkaparehong birthday. Dahil diyan, si Karen na raw ang bahala lagi sa kanilang birthday celebration.
Ginawan ito ng iba't ibang memes sa social media, at ginawa pang punchline ni Vice Ganda sa It's Showtime.