Hindi na muna tatanggap ng mga non-COVID-19 patients ang Philippine General Hospital (PGH) upang mapalawak pa ang kanilang operasyon para sa mga tinamaan ng virus.
Ito ay matapos na umabot na sa 262 ang COVID-19 patient sa kanilang pagamutan, lampas sa kapasidad ng ward na 250 lamang.
“Ang PGH ay nananatiling COVID-19 Referral Center, at dahil sa dumaraming bilang ng mga COVID patients, kinakailangang magbukas kami ng karagdagang lugar para sa mga ito,” anang PGH sa isang paabiso.
“Subalit upang mapagtuunang mabuti ang pag-aalaga sa mga may COVID, kami ay pansamantalang hindi muna tatanggap ng mga pasyenteng may ibang medikal na karamdaman na wala namang COVID,” dagdag pa nito.
Kaagad din namang humingi ng pang-unawa at paumanhin ang PGH mula sa publiko dahil dito.
“Agaran po namin kayong aabisuhan sa oras na lumipas ang bugso ng bilang ng mga kaso ng COVID upang kayo ay muling paglingkuran.Na-decide na po namin na magbukas pa ng ilang wards at isara po ‘yong non-COVID part kasi po kailangan na nating hatakin ‘yong ibang mga tao namin," ayon naman kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario.
Sinabi ni Del Rosario na ang tatanggapin na lamang nila ang mga "tunay na emergency" o "life-and-limb threatening non-COVID emergency” gaya ng trauma, heart attack, at massive stroke.
Tanging ang Department of Ophthalmology and Visual Sciences at Cancer Institute na lang din umano ang mananatiling bukas, ayunman, tuloy pa rin ang telephone o online consultation.
Matatandaang isa ang PGH, na pinakamalaking COVID-19 referral hospital sa bansa, sa maraming pagamutan na patuloy na napupuno dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19.
Mary Ann Santiago