Nakatanggap si 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto "Onyok" Velasco ng P100,000 cash at prangkisa ng isang Chooks-to-go store mula kay Bounty Agroventures Inc. (BAVI) President Ronald Mascariñas.

Larawan: Chooks-to-Go/FB

"Natutuwa akong makita ang buhos ng parangal at gantimpala mula sa pamahalaan at lalo na sa pribadong sektor sa mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa nitong nakaarang Olympics. Ngunit may isang matagal nang pangakong tila nakalimutan na and we’d like to be part of the solution first before we join the celebration of our heroes in the Tokyo Olympics," ani Mascariñas sa kanyang pahayag sa PNA.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Lubos na nagpasalamat naman si Onyok kay Mascariñas sa ibinigay na gantimpala.

Aniya, "Boss Ronald, talagang hulog ka po ng langit sa akin at sa buong pamilya ko dahil binigyan niyo po ako ng kabuhayan. Sana marami pa kayong matulungan na tulad ko."

Ayon kay Onyok, inakala raw nito na nanalo rin siya sa katatapos lamang na 2020 Tokyo Olympics.

Larawan: Chooks-to-Go/FB

Samantala, Agosto 11 nang siguraduhin ni Senador Bong Go na matatanggap nito ang napakong P500,000 cash incentives mula sa pagkapanalo nito sa Olympics.

Pahayag ng senador sa kaniyang press release, “Sa panahon ni Pangulong Duterte, binibigyan natin ng importansya, suporta at insentibo ang mga atleta natin lalo na yung mga nagtagumpay sa Olympics ngayon. Bigyan rin dapat natin ng karampatang pagkilala ang mga atleta nating katulad ni Onyok na nangangailangan ng tulong natin ngayon.”

“Nakapagdala po ng honor si Onyok sa ating bansa. Napaglipasan lang po ng panahon ang ibang mga ipinangako sa kaniya. Kaya po ako nakikiusap sa gobyerno na mabigyan siya ng konting tulong bilang pagkilala rin sa kanyang accomplishment noon,” dagdag pa ng senador.

Matatandaang inilahad ni Onyok ang panghihinayang sa cash incentives na dapat ay kaniyang matatanggap.

"Nung matapos kong manalo ng silver sa Atlanta Olympics, yung hindi natupad yung sa Congress na PHP2.5 million pati yung sa Philippine Navy na scholarship ng dalawang anak ko. Yung bahay nandiyan na pero yung titulo wala pa. Nagpangako rin ng PHP10,000 monthly na lifetime pero isang taon lang binigay sa akin," ani Onyok.